Inamin ni Kapamilya Primetime King Coco Martin na minsan raw siyang inalok na pumasok sa masalimuot na mundo ng politika.
Sa ikalawang bahagi kasi ng “Ogie Diaz Inspires” kamakailan, naungkat ang tungkol sa pagiging matulungin ni Coco sa ibang tao.
“Masyado nang kalat sa marami na matulungin ka,” saad ni Ogie. “Kailan o tatakbo ba sa politics someday si Coco?”
“Alam mo ba dati,” sabi ni Coco, “‘Tayong Dalawa’ days pa may nagpunta sa bahay namin, inaalok na ako, pinatatakbo akong konsehal sa lugar namin sa Novaliches. Hindi ko talaga siya [gusto].”
“Tapos one time, ‘Probinsyano,’ nag-iinuman kami ng tatay ko [at] mga kapatid ko. Sabi sa akin ng tatay ko, ‘wag na ‘wag mong papasukin ang politika. Kasi lahat ng taong nagmamahal at humahanga sa ‘yo ngayon, ‘pag tumakbo ka sa politika lahat ‘yan mumurahin ka,’ lahad ng aktor.
Ayon kay Coco, tumatak daw sa kaniya ang payong ito dahil minsan lang daw magsalita ang tatay niya. Nakita rin daw niya ang concern nito sa kaniya.
“Iniingatan niya ako. Kasi alam niya ako, kilala niya rin ako bilang tao kasi napaka-private kong tao,” saad pa niya.