Emosyunal si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos, Jr. nang alalahanin niya ang mga huling sandali ng nanay niya sa mundo.

Sa latest episode ng vlog ni Kapamilya broadcast-journalist Bernadette Sembrano nitong Sabado, Hunyo 22, ikinuwento ni Abalos kung paano nagtiwala sa kaniya ang nanay niya sa kabila ng pagdiskaril niya sa pag-aaral matapos niyang mabuntis ang girlfriend niya noon na asawa na niya ngayon.

“I think, 6 months before she died tinanong ko siya: ‘Ma ‘yong opisina ko sa facilities—kasi ibinili niya ako ng law firm e—sabi ko, kailan mo hinulugan ‘yon?’” lahad ni Abalos. 

“Sabi niya: ‘noong estudyante ka pa lang.’ Ha? ‘Oo, tinyaga ko. Hinulug-hulugan ko.’ Ba’t mo ginawa ‘yon e kung di ako nakatapos o lumagpak ako sa bar? Isa lang sagot niya: ‘naniniwala ako sa ‘yo,’” wika niya.

Dagdag pa ng kasalukuyang DILG Secretary: “And after that, your mom will die. Imagine. And for me [...] ‘yong mother’s love mararamdaman natin at that time.“

Matatandaang pumanaw ang ina ni Abalos noong kasagsagan ng pandemya kung kailan wala pa umanong Covid-19 vaccine.

Pero ang pinakamasakit na bahagi raw sa pagpanaw ng kaniyang ina ay nang matuklasang wala naman daw pala itong Covid-19 matapos ma-cremate.