Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Mayo 14, na ang frontal system at easterlies ang kasalukuyang nakaaapekto sa bansa.
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan ang mga lalawigan ng Batanes at Cagayan dulot ng frontal system, o ang weather system kung saan nagsasalpukan ang mainit at malamig na hangin.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroo ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, patuloy pa rin daw na nakaaapekto ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.
Kaugnay nito, inaasahan umanong patuloy na magiging mainit ang panahon, na may tsansa pa rin ng pulo-pulong mga pag-ulan at thunderstorms pagsapit ng hapon o gabi.
Sa kasalukuyan ay walang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).