Naibalik na sa normal ang supply ng kuryente sa Panay Island sa Western Visayas.

Sa pulong balitaan sa Quezon City nitong Sabado, nilinaw ni Energy Regulatory Commission (ERC) chairperson Monalisa Dimalanta na tuloy na ang operasyon ng power plant sa rehiyon matapos makaranas ng malawakang brownout nitong Enero 2.

"Iyon pong plantang huli na hinihintay na mag-operate, nakapag-synchronize na po sa grid ng around 1:30 in the morning kaya po unti-unti naiakyat na po iyong pag-supply niya,” paliwanag ni Dimalanta.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

“Noon pong hapon, between 12 noon to around 2 o’clock, nag-normalize na po iyong sitwasyon sa Western Visayas kaya din po inangat na po ng NGCP (National Grid Corporation of the Philippines), ng SO, ng system operator natin lahat ng constraints at bumalik na din po iyong commercial operation ng WESM (Wholesale Electricity Spot Market) ng Spot Market in the Visayas Region,” aniya.

Tiniyak din ni Dimalanta na susubaybayan pa rin nila ang suplay ng kuryente sa rehiyon kahit naibalik na ito sa normal.

Kinontra rin ni Dimalanta ang pahayag ng NGCP na nagsasabing nakatuon lamang ang kanilang serbisyo sa power transmission.

Pagdidiin ng opisyal, trabaho rin ng NGCP na subaybayan ang system operations nito.

“Ang ibig sabihin po nito, nasa prangkisa mismo nila at nasa EPIRA (Electric Power Industry Reform Act) na ang trabaho po ng system operator ay paniguruhin ang safe and reliable operation of the grid,. So, hindi po iyon nasasakop noon pong kanilang statement na sinabi na transmission lang ng power – as if the system will balance itself as long as they transmit power. Hindi po kasi nagsasariling-sikap iyong sistema, kailangan po mayroon talaga pong nagpapatupad noong pagbalanse. System operator po, iyon po ‘yung trabaho po niya (NGCP)," pagbibigay-diiin ni Dimalanta.

Nilinaw pa ng ERC na patuloy pa nilang iniimbestigahan ang insidenteng nagdulot ng pagkalugi ng mga negosyo sa rehiyon.