Arestado ang isa sa mga suspek sa nangyaring pambobomba sa Mindanao State University gym sa Marawi City noong Linggo, Disyembre 3.

Kinilala ng pulisya ang naarestong suspek bilang Jafar Gamo Sultan, alyas “Jaf” at “Kurot,” 35-anyos. Siya umano ang pangunahing kasabwat ng primary suspect na si alyas “Omar.”

Tinukoy ng mga saksi si Omar bilang indibidwal na nagtanim ng Improvised Explosive Device (IED) sa Dimaporo Gymnasium.

Ayon sa pulisya, dalawang motorsiklo na sinasabing ginamit ni Omar at ng kaniyang kasabwat ang narekober sa operasyon, na nagdagdag ng mahalagang ebidensya sa imbestigasyon.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Samantala, isinailalim umano si Sultan sa custodial debriefing upang kunin ang actionable intelligence na maaaring makatulong sa isinasagawang imbestigasyon.

Itu-turn over naman ang suspek sa Philippine National Police (PNP) para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.

Binanggit ni Brig. Gen. Yegor Rey P. Barroquillo, commander ng 103rd Infantry Brigade, ang government forces para sa pag-aresto sa suspek.

Hinikayat din niya ang publiko na manatiling mapagbantay at iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa mga awtoridad.

Samantala, nangako si Major Gen. Gabriel C. Viray III, commander ng 1st Infantry Division, na titiyakin nila ang kaligtasan ng komunidad mula sa mga katulad umano ni Sultan.

Binigyang-diin niya na ang pagkahuli sa suspek ay isang patunay ng walang patid na dedikasyon at walang sawang pagsisikap umano ng law enforcement agencies laban sa terorismo.

“We will continue to work diligently to bring all those involved in the MSU-Marawi Campus bombing to justice,” saad ni Viray.

BONITA ERMAC