Kasabay ng umaarangkadang ika-63 Palarong Pambansa sa Marikina City, nanawagan naman si Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro para sa isang sustainable national sports program upang matulungan ang mas marami pang kabataang atletang Pinoy na makamit ang kanilang full potential.

“Nais natin ng isang national sports program na sustainable at para sa kabataang Pilipino,” ayon sa alkalde, nang magbigay ng talumpati para sa mga kalahok ng Palaro 2023. 

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

“Kaya ninanais ng Pambansang Palaro na ito ang batang malakas sa kanyang kaisipan at katawan ay para sa bansang matatag. Batang Malakas, Bansang Matatag!”

Kaugnay nito, pinuri rin ni Teodoro ang mga manlalaro na kalahok sa aktibidad dahil matapang nilang sinuong ang malakas na mga pag-ulan upang makiisa sa idinaos ng grand parade ng Palaro.

Ayon kay Teodoro, “Sa kabila ng malakas at patuloy na pag-ulan nitong mga nakaraang araw, tulad sa mga pagsubok sa ating bansa; tayo ay narito pa rin na may pag-asa, may kalakasan, para sa isang maunlad at matatag na bansa.”

Anang alkalde, ang Palaro 2023 ay isang pagkakataon para sa mga student-athletes mula sa 17 rehiyon sa bansa na ipakita ang pagkakaisa bilang isang nasyon.

Dagdag pa niya, “Ito ay pagkakataon na maglaro nang sama-sama. Isang bansa, isang laro sa Pambansang Palaro. Lahat ay magaling, lahat ay may bahagi, lahat ay may pagtataya sa isa’t isa sa pagpapalakas at pagpapatatag ng ating bansa.”

Ang Palaro 2023, na may temang “Batang Malakas, Bansang Matatag,” ay pormal nang sinimulan nitong Hulyo 31 at magtatagal hanggang sa Agosto 5.

Mismong sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., Vice President Sara Duterte, at Mayor Teodoro naman ang nanguna sa pagbubukas ng aktibidad sa Marikina Sports Center (MSC).