Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Lunes na bumaba pa sa 4% na lamang ang Covid-19 positivity rate ng National Capital Region (NCR) hanggang nitong Hulyo 15.
Sa datos na ibinahagi ni OCTA Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, nabatid na ito ay pagbaba mula sa dating 4.2% noong Hulyo 8.
Bukod naman sa NCR, nakapagtala na rin ng low positivity rates hanggang nitong Hulyo 15 ang mga lalawigan ng Bulacan na nasa 4.8% na lamang; Laguna, na may 3.7% na lamang; Oriental Mindoro, na nasa 4.8% na lamang at Quezon, na nasa 3.0% na lamang.
Bumaba rin naman ang positivity rates sa ilang lalawigan sa Luzon, kabilang ang Bataan, Batangas, Benguet, Cagayan, Camarines Sur, Pampanga, Pangasinan, Rizal, at Tarlac.
Samantala, ang nationwide positivity rate naman ng Pilipinas ay naitala sa 5.7% na lamang hanggang nitong Hulyo 16, 2023.
Ang positivity rates ay ang porsiyento ng mga indibidwal na nagpopositibo sa Covid-19 mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na isinailalim sa pagsusuri.
Nagtakda ang World Health Organization (WHO) ng 5% na threshold para sa Covid-199 positivity rate.