Isang mag-ina ang patay nang masalpok ng isang nakasalubong na sasakyan habang sakay ng kanilang motorsiklo sa Antipolo City nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ng Antipolo City Police ang mga biktima na si Herran Lander Alejandro, 25, at ang kanyang inang si Anne.

Sugatan rin naman ang suspek na nakilalang si Luis Bayanin III, na maaaring maharap sa kasong reckless imprudence resulting in two counts of homicide sa piskalya.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-6:30 ng gabi nang maganap ang aksidente sa Sumulong Highway sa Barangay Sta. Cruz.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Binabagtas umano ng mag-ina ang naturang lugar lulan ng motorsiklo, patungong Antipolo City, nang bigla na lang silang masalpok ng Toyota Innova wagon, na minamaneho ni Bayanin, na noon ay patungo sana sa direksiyon ng Masinag.

Dahil sa impact nang pagkakabangga ay tumilapon ang mag-ina mula sa kanilang motorsiklo at nahulog sa 20-talampakang bangin na nagresulta sa kanilang kamatayan.

Sugatan rin sa aksidente sina Bayanin, ang kanyang asawang si Jackielyn at kanilang dalawang tatong gulang na anak na lalaki, at kaagad na isinugod sa Fatima Hospital upang malapatan ng lunas.

Lumitaw sa imbestigasyon na nawalan umano ng kontrol sa sasakyan si Bayanin na nagresulta upang mag-overshoot ito sa kabilang linya na nagresulta sa banggaan.