Isang panukalang batas ang inilatag ngayon sa Karama na na naglalayong magbigay ng buwanang suportang allowance na nagkakahalaga ng P2,000 para sa mga Pilipinong may kapansanan.
Inihain ang House Bill 5801 ni Quezon City Fifth District Rep. Patrick Michael Vargas upang pagkalooban ng patas na solusyon upang malampasan ang mga hadlang ng kahirapan ang persons with disabilities (PWDs) sa bansa.
Ang panukalang batas ay naglalayon na magtatag ng isang social protection program upang suportahan ang mga taong may kapansanan at kanilang mga pamilya.
Nakasaad sa HB 5803 na ang mga taong may kapansanan ay kumakatawan sa hindi bababa sa 12 porsiyento ng populasyon ng nasa hustong gulang sa bansa at nahaharap sa malalaking hadlang sa pag-access sa edukasyon at pangangalagang pangkalusugan, pakikilahok sa komunidad at pagkamamamayan, at pag-agaw ng mga oportunidad sa ekonomiya.
Ani Vargas, dahil sa maraming socio-economic barriers, ang mga taong may kapansanan ay may mas kaunting kita at mas maraming gastos kaysa sa mga walang kapansanan, at sa ilalim ng krisis sa COVID-19, ang kanilang economic vulnerabilities ay lalong tumindi na humahadlang sa kanila at sa kanilang mga pamilya mula sa pagtakas sa kahirapan.
"In a just and humane society that leaves no one behind, it is important that we ensure equitable access and empower persons with disabilities to free themselves and their families from the poverty trap," dagdag ni Vargas.
Samantala, noong Okt. 10, inihain ni Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera-Dy ang katulad na batas.
Nakabinbin din sa Senado ang panukalang batas para sa buwanang universal disability support allowance na P2,000.
Noong nakaraang Kongreso, iminungkahi din sa Kamara at Senado ang buwanang universal disability support allowance na P2,000. Gayunpaman, ang dalawang panukalang batas ay hindi dumaan sa legislative mill at kinailangang muling isampa ngayong taon.