Umabot na sa 82,597 ang dengue cases na naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa simula noong Enero, 2022.
Sa press briefing nitong Martes, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang naturang kabuuang bilang ng mga kaso na naitala mula Enero 1 hanggang Hulyo 16 ay 106% na mas mataas kumpara sa mga naiulat na kaso sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon na nasa 40,096 lamang.
Ani Vergeire, pinakamaraming naitalang dengue cases sa Region III, na may 13,449 cases, sumunod ang Region VII na may 8,905 cases at National Capital Region (NCR) na may 6,884 cases.
Nasa 10 naman aniya sa 17 rehiyon sa bansa ang lumampas na rin sa epidemic threshold nitong nakalipas na linggo, kabilang ang Cagayan Valley, Mimaropa, at Cordillera Administrative Region na nakitaan ng increasing trend simula Hunyo 19 hanggang Hulyo 16.
"Nationally, we have already recorded 319 deaths with a case fatality rate of 0.4% due to dengue," ani Vergeire.
Ang mga naturang dengue deaths ay naitala noong Enero na may 36 deaths, Pebrero na may 31 deaths, Marso na may 39 deaths, Abril na may 46, Mayo na may 63 deaths, Hunyo na may 72 deaths at Hulyo na may 32 deaths.
Patuloy pa rin namang nananawagan ang DOH sa publiko na manatiling maingat upang hindi dapuan ng dengue.
"In light of reaching the epidemic thresholds, the Department of Health strongly calls on the general public and together with our local government units (LGUs) to adhere and exercise the 4 o’clock habit or the 4S Strategy: S - Search and destroy breeding places, S - Secure self-protection, S - Seek early medical consultation, S - Support fogging/spraying in hot spot areas," anang DOH.
"The DOH also ensures that our hospitals and clinics provide their patients with Dengue fast lanes at their emergency areas for prompt diagnosis and management of cases," dagdag pa ng DOH.