Sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Martes na bukas silang maibalik ang Dengvaxia o bakuna laban sa dengue, sa ating bansa, ngunit kailangan muna itong mapag-aralang mabuti.

Ang pahayag ay ginawa ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang pulong balitaan kasunod ng ilang mungkahi na muling gamitin ang Dengvaxia vaccines, ngayong tumataas muli ang mga naitatalang kaso ng dengue sa bansa.

Ayon kay Vergeire, noong 2018 ay na-revoke ang certificate of product registration (CPR) ng bakuna ng Dengvaxia.

Nasuportahan at nasusugan aniya ito ng kagawaran dahil sa kakulangan ng mga ebidenya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ngunit sinabi ni Vergeire na para maibalik ang Dengvaxia vaccines ay kailangang matiyak na kumpleto ang mga ebidensya, makakuha ng inputs sa mga eksperto at may mga proseso at pag-aaral na dapat isagawa.

“For us to be able to bring back this kind of vaccine, kailangan completed na ang evidence natin. Marami tayong proseso at pag-aaral na kailangang isagawa para magawa natin lahat ng ito,” aniya.

Dapat din aniyang maging compliant o nakakasunod ang mga manufacturer, sa mga regulasyon ng ating bansa.

Paglilinaw naman ni Vergeire, ang DOH ay lagi namang bukas sa mga bagong teknolohiya o bakuna pero kung maipapakita ng mga ebidensya na kaya nitong protektahan ang publiko.

“Ang ating gobyerno, kasama ang Kagawaran ng Kalusugan, always open naman tayo sa bagong teknolohiya lalong-lalo na kung maipapakita ng ebidensya that it can really protect our population. Kailangan lamang po na mapag-aralang mabuti ulit, masusi ang pag-aaral, makakuha ng mga inputs coming from our experts, and itong manufacturer ay maging compliant sa regulasyon natin dito sa ating bansa,” aniya pa.

Samantala, habang wala pang bakuna kontra dengue sa Pilipinas ngayon, pinayuhan ni Vergeire ang publiko na mainam na ituon ang pansin sa iba pang hakbang para masugpo ang pagtaas ng mga kaso ng dengue, gaya ng paglilinis ng kapaligiran, ipatupad ang 4S at iba pa.