Natikman na ng Converge FiberXers ang ngitngit ng San Miguel Beermen sa kanilang laro sa Ynares Center sa Antipolo City, nitong Linggo ng gabi.
Sa bisa ng iskor na 111-92, pinatumba ng Beermen ang FiberXers matapos samantalahin ang pagkawala ng big man nito na si Justin Arana sa huling bahagi ng laban dahil sa knee injury.
Tampok sa laban ang triple-double ni CJ Perez--15 puntos, 13 rebounds at 12 assists, habang kumana naman so June Mar Fajardo ng 18 puntos at 16 rebounds.
Ipinamalas naman ni Mo Tautuaa ang doub-double nito--19 puntos at 10 rebounds at kumamada naman ng 22 puntos si Jericho Cruz.
Pantay na ngayon ng kartada ang Beermen at Barangay Ginebra, 4-1 panalo-talo.
Nalaglag naman sa 2-4 panalo-talo ang kartada ng FiberXers.
"I told them that we had to bounce back after the last game namin. But we know na ang Converge, hindi pwede biruin," sabi naman ni San Miguel Beermen coach Leo Austria.
Sa panig ng Converge, humakot si AllynBulanadi ng 22 puntos at 21 naman ang naging produksyon ni Mike DiGregorio.