Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Officer-In-Charge Lieutenant General Vicente D. Danao Jr. nitong Lunes ang pagkakapaslang ng isang vice commanding officer ng mainstream Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA) sa Southern Luzon matapos makasagupa ang mga lokal na awtoridad sa Albay nitong Mayo 28.

Kinilala ang nasawing suspek na si Antonio Abadeza, alyas "Flatop/Alden/Troy," nasa hustong gulang, at nakalista umano sa Periodic Status Report (PSR) bilang Vice Commanding Officer ng communist terrorist group sa ilalim ng KP3 PLTN3, KSPN3 na may outstanding warrants of arrest para sa kasong 2 counts Attempted Murder, Robbery with Homicide, at Murder. 

Nakatanggap ng report ang mga awtoridad mula sa isang concerned citizen na nangongotong umano ng pera si Abadeza sa ilang maliliit na negosyante sa Zone 7, Brgy. Anislag, Daraga, Albay noong Sabado.

Mabilis na rumesponde ang mga operatiba ng 97th MICO, MIB 9th ID PA, RID 5, 2nd APMFC, PIU Albay PPO, RMFB 5 at RIU 5 sa koordinasyon ng  Daraga Municipal Police Station at pinara ang akusado na nakamotorsiklo.

Probinsya

Higit 1 buwang nawawala: Mangingisda mula sa Quezon, inanod sa Batanes!

Inilahad ni LtGen Danao na sa halip na sumunod sa mga awtoridad, bumunot umano ng baril si Abadeza at pinaputukan ang operating team dahilan upang gumanti ng putok ang mga ito na nagresulta ng pagkakasugat ng suspek na agad namang dinala sa BRTTH, Legazpi City subalit idineklara siyang dead on arrival ni Dr. Joanne-Paulette F Miraflor, attending physician ng nasabing pagamutan.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang hindi batid na kalibre ng baril na may SN 111987 na kargado ng walong bala, isang magazine na may lamang anim na bala, apat na basyo, wallet na naglalaman ng  P11,710 cash, assorted subversive documents, isang Yamaha Crypton motorcycle (PN: 9058 EG) at iba pang piraso ng ebidensya.

“I commend our Southern Luzon police operatives for implementing decisive neutralization campaigns against all armed threats/armed groups in the communities, to include joint law enforcement operations, and legal actions against all elements deemed part of the operations and network of the communist terrorists," pahayag ni LtGen Danao.