Isa sa mga celebrity na nagtungo sa miting de avance ng UniTeam nina presidential candidate at dating senador Bongbong Marcos, Jr. at vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte, ay si Wowowin host Willie Revillame, sa Fronting Solaire, Parañaque City, nitong Mayo 7 ng gabi.

Ibinahagi ni Willie ang kaniyang speech sa UniTeam supporters na dumalo sa miting de avance.

"Nandito ako, walang halaga, walang presyo ito, pinag-isipan ko 'tong mabuti, ayaw kong ma-involve sa politika," panimula ng host.

Muli niyang pinagdiinan at muli niyang binalikan ang mga panahong hinihikayat siya nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Bong Go na tumakbong senador.

Aniya, hindi raw siya puwedeng tumakbong senador dahil hindi niya kayang maging senador.

"Hindi ako puwedeng maging senador. Hindi ko kayang maging senador. Kung ano lang ang kakayanan ko, iyon lang ang gagawin ko. Mahirap lokohin ang sarili ko, at sayang ang boto ninyo para sa akin. Kaya kong magsilbi kahit wala akong posisyon, kaya kong tumulong… sa sarili ko pinaghihirapan… iyon ang kaligayahan ko," ani Willie.

Ang nais lamang daw ni Willie ay makita niyang masaya ang mga tao, lalo na sa hirap ng buhay ngayon.

Sa halos ilang dekada umano niyang pamamayagpag sa telebisyon lalo na sa noontime show, magmula sa ABS-CBN, TV5, at GMA Network, alam na raw niya ang mga karaniwang hinihingi o pinoproblema ng mga tao: gamot, pagkain, at kinabukasan ng mga anak nila.

Nanawagan si Willie sa mga botante na kilatising mabuti ang mga politikong nangangampanya at ipagdasal ang desisyong kanilang gagawin.

Kaya raw napili ni Willie ang dumalo at suportahan ang UniTeam ay dahil sa "unity" o pagkakaisa. Kahit daw maraming mga sinasabi at ibinabato laban sa kanila ay tuloy-tuloy lamang daw ang ginagawa nilang pagtulong.

Inawit din ni Willie ang ginawa nilang kanta ni Vehnee Saturno na "Sara Ikaw Na Nga" para sa kaniyang ineendorsong si Davao City Mayor Sara Duterte.

Hayagan ang pagsuporta ni Willie kay Inday Sara noon pa man.