Suspendido ang pagpapatupad ng Modified Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme na ipinaiiral ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) magmula alas-5:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi sa Lunes, Mayo 9, araw ng Eleksyon 2022. 

Ito ay matapos idineklara ng Malacañang ang Mayo 9 bilang special non-working holiday.

Ibig sabihin, ang mga sasakyang may plakang nagtatapos sa 1 at 2 na sakop ng coding tuwing Lunes ay maaaring bumiyahe sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila sa coding hours na mula 5:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi.

Pinapayuhan ng MMDA ang publiko partikular na ang mga motorista na planuhin ang kanilang biyahe papunta sa mga polling precinct para iboto ang napupusuang mga kandidato sa national at local positions.