Personal na dumayo upang makipag-talakayan si Bise Presidente Leni Robredo sa isang garment factory, na kung saan ay 80% ng mga empleyado nito ay supporters ni dating Senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

Sinagot ni Robredo ang mga katanungan ng mga BBM supporters na patungkol sa mga plataporma, solusyon, at programang ipapatupad kung mahahalal na pangulo ng Pilipinas.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Sa isang tanong, sinagot ni Robredo ang tanong ng kadahilanan ng pagtakbo niya sa pinakamataas na posisyon.

Aniya, mas makakabuti na ang mahahalal na presidente ay matagal nang nakakasalamuha lalo na ng marginalized sector o mga nasa laylayan para alam nito ang problema at paraan kung paano ito reresolbahin.

"Para sakin, 'yun 'yong nagtutulak sakin na dahil mahaba 'yung panahon na talagang nasa communities ako, mas ramdam ko 'yung pangangailangan," ani Robredo.

"Ang paki-usap ko, hindi ko kayo kukumbinsihin ngayon. Mahirap na magde-desiyon kayo dahil lang nakausap ko kayo. Mas mabuti na magde-desisyon kayo, 'pag napag-aralan niyo kung sino talaga kami," saad ng bise.

Dagdag pa nito, kilatisin ang mga kandidato kung totoo ba ang mga sinasabi nito sa pamamagitan ng pag-usisa sa mga nagawa nito. Binigay na halimbawa ni Robredo ang mga finale na batas nito sa Kongreso noong kongresista pa lamang ito.

Nakiusap rin siya na huwag nang sayangin ang pagkakataong mailuklok ang lingkod-bayan na higit na makakatulong sa publiko.

Aniya, "Ang paki-usap ko, huwag nating sasayangin 'yung pagkakataon na pumili kung sino [ang] makakabuti sa'tin. Hindi niyo masasabing mabuti kami o masamang tao sa isang tinginan lang e. Masasabi niyo kung mabuti o masama kaming tao sa mahabang panahon ng panunungkulan namin."

Binigyang-diin din ng presidential aspirant na ang pinaka-sentro ng kanilang programa ay trabaho. Aniya, bukod sa pagbibigay ng trabaho, kinakailangan na linangin rin ang kakayahan ng tao dahil kung kulang ito sa skills ay mawawalan rin ng kwenta ang dami ng trabahong nakalatag.

Kinilala rin ni Robredo ang hindi pantay na hustisya sa pagitan ng mayayaman at mahihirap.

Aniya, "Ang reyalidad, malas mo kung mahirap ka dahil ang daming korapsyon sa mga institusyon natin. Mawawala 'yon 'pag nilinis natin 'yung mga institusyon."

Bilang tugon sa problema, tatlong punto ang inilatag ng bise. Ito ay ang pag-appoint sa mga kawani ng pamahalaan ay dapat hindi politikal at kwalipikado sa posisyon; pagiging transparent ng gobyerno sa taumbayan; at pagtatayo ng people's council na magbibigay boses sa taumbayan kahit na hindi sila kabahagi ng pamahalaan.

Paalala naman ni Robredo, ang pagtupad sa pangako ay hindi sa salita lamang. Ito ay nakikita sa buhay ng mga natulungan ng isang kandidato.