Nagbabala ang isang independent research group sa posibleng maranasang pagtindi pa ng outbreak ng Omicron variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Metro Manila.

Sa Twitter post ni OCTA Fellow Dr. Guido David nitong Huwebes, Enero 13, nananatili pa ring 'severe' ang Omicron cases sa National Capital Region (NCR) habang ang tatlo pang highly-urbanized cities ay nasa ilalim ng "mature stage" ng pagtaas ng kaso ng sakit.

Paliwanag nito, nananatili pa ring matindi ang paglaganap ng variant sa rehiyon dahil sa average daily attack rate (ADAR) nito na 111.80.

Ang ADAR aniya ay may kinalaman sa bilang ng bagong kaso ng sakit sa isang lugar sa loob ng nakaraang dalawang linggo. Binanggit nito na ang mataas na ADAR ay nangangahulugang mataas ang panganib ng hawaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa lugar.

National

Eastern Samar, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Aniya, isinailalim naman sa "mature stage" ng outbreak ang Baguio City, Angeles City at Santiago dahil sa naitalang ADAR na 39.48, 26.65, at 25.23, ayon sa pagkakasunod.

Inihayag pa nito na isinailalim naman sa "accelerating stage" ng Omicron outbreak ang mnga sumusunod na HUCs na kinabibilangan ng Naga City, Dagupan, Lucena, Olongapo, Iloilo City, at Lapu-Lapu, habang isinailalim naman sa "early stage" ang Cagayan de Oro, Cebu City, and Davao City.

Kamakailan, isinailalim sa ALert Level 3 ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Baguio City, Dagupan City, Santiago City, Cagayan, Angeles City, Bataan, Olongapo City, Pampanga, Zambales, Batangas, Lucena City, Naga City, Iloilo City at Lapu-Lapu City hanggang Enero 15 upang maiwasang magkaroon ng viral transmission ng COVID-19.

Charie Mae Abarca