Magandang balita dahil may handog na libreng sakay ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa mga pasahero nito sa darating na Rizal Day, Disyembre 30, 2021.

Ayon sa MRT-3, ang libreng sakay ay maaaring i-avail mula 7:00 AM hanggang 9:00 AM, at mula 5:00 PM hanggang 7:00 PM sa nasabing petsa.

Bilang pakikiisa anila ito ng pamunuan ng MRT-3 sa paggunita at pag-alala ng buong bansa sa kabayanihan ni Gat Jose Rizal.

Samantala, aalis ang unang tren ng MRT-3 mula sa North Avenue station ng 4:40 AM at mula sa Taft Avenue station ng 5:26 AM. Ang huling tren naman ng linya ay aalis mula sa North Avenue station ng 9:30 PM at mula sa Taft Avenue station ng 10:16 PM.

Upang mapanatili namang ligtas ang biyahe ng mga pasahero, mahigpit pa ring ipinatutupad ang COVID-19 health and safety protocols sa buong linya, gaya ng pagbabawal kumain, uminom, makipag-usap sa telepono, at magsalita sa loob ng mga tren. Mahigpit ding ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask samantalang boluntaryo ang pagsusuot ng face shield.

Eleksyon

Guanzon, tatakbong senador sa 2028!

 

Ang MRT-3 ay bumabaybay sa EDSA mula North Avenue, Quezon City at Taft Avenue, Pasay City. 

Mary Ann Santiago