Patay ang dalawang babae matapos masalpok ng rumaragasang van sa Barangay 156, Pasay City nitong Sabado, Disyembre 25.

Kinikilala pa ng mga awtoridad ang dalawang namatay sa aksidente.

Apat pa ang naiulat na nasugatan sa aksidenteng naganap sa Aurora Blvd. dakong 3:10 ng madaling araw.

Sa inisyal na ulat ni Senior Master Sgt. Eulalio Corpuz, ng Pasay City Police, nahagip sa closed-circuit television (CCTV) camera ang aksidente kung saan nakita ang isang puting van na mabilis ang takbo habang ito ay patungong EDSA.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Nahagip ng van ang tatlong dalagitang naglalakad at isa sa kanila ay agad na binawian ng buhay dahil sa matinding pinsala sa kanyang katawan.

Sa kabila nito, tuluy-tuloy pa rin ang takbo ng van hanggang sa masagi pa nito ang isang motorsiklong tumilapon ang dalawang sakay nito.

Nabangga rin at nakaladkad din ng ilang metro ng nasabing van ang isa pang babaeng naglalakad sa lugar na naiulat na binawian agad dahil sa pinsala nito sa kanyang ulo at katawan.

Iniimbestigahan pa rin ng pulisya ang kaso.

Bella Gamotea