Swak sa kulungan ang isang Chinese national matapos isangkot sa pagdukot sa kapwa nito Chinese at mahulihan pa ng umano'y ilegal na droga sa Pasay City nitong Disyembre 6.

Kinilala ni Southern Police District chief, Brig. General Jimili Macaraeg ang suspek na si Gao Lei, nasa hustong gulang, isang Chinese national at kasalukuyang nanunuluyan sa Shore Residence, Barangay 76, Pasay City.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Si Lei ay mahaharap sa kasong Kidnapping with Ransom at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 

Samantala ang biktima ay kinilalang si Liu Kun, 26, isa rin Chinese national ng Shell Residence, Pasay City.

Ayon sa awtoridad, inaresto ng mga tauhan ng Station Intelligence Section at Investigation Detective and Management Section ng Pasay City Police ang suspek sa Shore Residence, Sunrise Drive Mall of Asia sa nasabing lungsod dakong 10:00 ng gabi nitong Lunes.

Ayon sa imbestigasyon, bandang 9:00 ng gabi ng Disyembre 6 dumulog sa himpilan ng pulisya ang kaibigan ng biktima na si Wang Chen, 28, upang ireport ang umano'y pagkakadukot ni Lei noong Disyembre 6 ng 9:00 ng umaga sa harapan ng Shell Residence, Sunrise Drive, Pasay City.

Sinabi ni Chen na nagdemand ng pera ang suspek kapalit ng pagpapalaya sa kanyang kaibigang si Lei kaya tinawagan ng una ang isa panitong kaibigan para magpadala ng pera.

Sa isinagawang operasyon ng awtoridad,agad na natukoy ni Chen ang kotse ng suspek kaya agad itong naharang ng mga pulis at inutusang bumaba mula sa sasakyan si Lei.

Dito nadiskubre sa loob ng kotse ang biktima na nakagapos ang mga kamay ng packaging tape.

Sa pagdating ng kotse ng suspek sa parking area ng Pasay City Hall Compound, nadiskubre ng mga pulis ang isang glass tube na may hinihinalang shabu at maliit na pakete na naglalaman ng limang hindi pa batid na capsule o kapsula.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa custodial facility ng Pasay City Police.

Bella Gamotea