Wala nang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) infections sa 48, 357 persons deprived of liberty (PDLs) sa pitong jail facilities ng Bureau of Corrections (BuCor) sa bansa.

“Sa mga PDLs po wala po silang COVID-19 cases ngayon sa mga prison camps ng Bureau of Corrections,” sabi ni BuCor Deputy Director General Gabriel P. Chaclag sa naganap na Laging Handa briefing nitong Lunes, Dis. 6.

Dagdag ni Chaclag, mayroon na lamang dalawang aktibong kaso ng COVID-19 sa mga tauhan ng kulungan bagaman moderate lang ang mga sintomas nito.

“Ang meron lang ay dalawang personnel ang positive pero hindi naman po sila serious. Moderate ang kanilang symptoms,” sabi niya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pagpupunto pa ng opisyal, “mas mataas po ang rate ng vaccination ng mga PDLs kaysa sa aming mga personnel.”

Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si Chaclag sa national government para sa 30,000 bakuna na natanggap kamakailan ng BuCor para sa mga preso nito.

“So, nagbigay po actually sa amin ng 30,000 doses para doon sa 15,000 na hindi pa nababakunahan,” ani Chaclag.

“Ito ay na-course nila sa LGU kung saan sumasakop sa mga prison camps natin,” dagdag niya.

Sa kabila ng mataas na vaccination rate sa mga PDL, sinabi ni Chaclag na hindi pa pinapayagan ng bureau ang face-to-face visit.

“Sa ngayon po sa guidance ng IATF doon tayo magbased ng informed decision,” sabi ng opisyal.

“Kung ano po yung sasabihin nila, dahil may umuusbong na bago na namang variant, ay tatalima po tayo,” pagtitiyak niya.

Jeffrey Damicog