Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nasa low-risk classification na ngayon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang Pilipinas kasunod na rin nang patuloy na pagbaba ng mga naitatalang mga bagong kaso ng sakit sa nakalipas na dalawang linggo.

Sa isang media forum nitong Lunes, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang lahat ng rehiyon sa bansa ay nakakapagtala na lamang ng moderate-risk at low-risk classification.

Aniya, nakapagtala na lamang din ang bansa ng ‘negative two-week growth’ na nasa -48%.

Ang average daily attack rate (ADAR) ay bumaba na rin sa 5.89 per 100,000 mula sa dating 11.41.

National

Guanzon, tinanong sino si Ben Tulfo: 'What has he done for the country?'

“Nationally, we are at low-risk case classification with a negative two-week growth rate at -48% and a moderate-risk average daily attack rate at 5.89 cases per every 100,000 individuals," pahayag pa ni Vergeire.

Sa datos mula sa DOH, lumilitaw na ang bansa ay mayroon na lamang rin na bed utilization rate na 41.15%, mechanical ventilator utilization rate na 37.65%, at ICU utilization rate na 53.15%.

Gayunman, mayroon pa rin aniyang anim na rehiyon sa bansa ang mayroong high-risk ADAR, kabilang ang Cagayan Valley na may 18.53, Zamboanga Peninsula na may 8.02, Cordillera Administrative Region na may 27.30, MIMAROPA na may 7.09, Ilocos Region na may 7.18, at National Capital Region na may 8.56.

Nasa high-risk pa rin naman ang ICU utilization rates sa Cagayan Valley (88.57%), Bicol Region (71.43%), at Zamboanga Peninsula (71.23%).

“Remaining regions have low to moderate beds and/ or ICU utilization,” ani Vergeire.

Iniulat rin naman niya na ang NCR ay nakapagtala ng ADAR na 8.56 per 100,000 population mula sa dating previous 18.30 at ang kasalukuyang klasipikasyon nito ay moderate-risk.

Ang bed utilization rate naman sa rehiyon ay nasa 35.98%, ang mechanical ventilator utilization rate ay nasa 35.42%, at ang ICU utilization rate ay nasa 46.37%.

“In NCR, the seven-day moving average shows a decrease as cases in the recent seven days have decreased compared to the previous 7 days by 500 cases or 35%. The 7-day moving average is currently 945,” aniya pa.

Sa kabila namang ng lahat ng ito, nilinaw ni Vergeire na hindi pa maaaring ideklara ng pamahalaan na ang COVID-19 ay nasa endemic stage na.

Aniya, kailangan muna itong pag-aralang maigi lalo na at madalas aniyang mag-mutate ang virus na ito.

Mary Ann Santiago