Pinabulaanan ng Makabayan bloc ang pahayag ni Deputy Speaker Lito Atienza (Buhay party-list), kandidato sa pagka-bise presidente, na inendorso ng grupo si Senador Manny Pacquiao para sa pagka-presidente sa 2022 elections.
"Yesterday, we met with Makabayan’s organizations. And I tell you, they all supported Manny," ani Atienza.
Itinanggi ito nina dating Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Teddy Casiño, mga lider ng Makabayan coalition, at sinabing wala pa silang napipiling kandidato para suportahan.
"Hindi totoo. Ang Makabayan ay hindi pa nagdedeklara ng suporta sa alinmang presidential o vice presidential candidate," pahayag ni Casiño sa kanyang tweet.
Gayunman, kahit wala pang pormal na endorsement, isinama ni Pacquiao sa kanyang senatorial slate sina Colmenares at Elmer Labog. Si Labog ang chairperson ng Kilusang Mayo Uno.
Sinabi nina Colmenares at Casino na ang Makabayan ay patuloy na nagsusulong sa isang united opposition, at nakikipag-usap sa mga kandidato tungkol sa kanilang plataporma at mga plano para labanan ang mga kandidato ni Pangulong Duterte at maging si dating Senador Bongbong Marcos na kandidato sa panguluhan.
Bert de Guzman