Tiniyak ng isang infectious disease expert sa publiko nitong Huwebes, Oktubre 21, na "hindi kailangang magpanic" sa gitna ng pagtuklas ng bagong subvariant ng Delta strain ng coronavirus.
“Kinakailangang pag-aralan pero di kailangang mag-panic," ayon kay Dr. Edsel Salvana ng Department of Health (DOH) Technical Advisory Group sa isang panayam sa DZBB.
Sinabi ni Salvana na ang AY 4.2 subvariant ay na-detect sa mga bansa sa Europa at kamakailan na nakita sa Israel ngunit hindi pa ito variant of concern.
“Hindi siya tinuturing na formal variant. Parang Delta pa rin siya… Kailangan muna natin na laging sinusubaybayan na bago natin masabi na variant of concern," ani Salvana.
“Wala pa po kasing malakas na ebidensya, nakikita lang nila medyo dumadami ng konti pero not to the level nga of Delta," paglalahad pa niya, dagdag din niya ang subvariant ay Delta variant pa rin ngunit may mutation.
Upang mapigilan ang pagkalat ng variant, sinabi ni Salvana na patuloy obserbahan ang minimum public health standards at magpabakuna.
“Pag aaralan po natin ‘to and of course we will always be vigilant. We’ll track kung may mga pumapasok dito sa Pilipinas bagamat sa ngayon problema naman talaga ang delta. Delta is the most deadliest and the most transmissible."