Pinag-aaralan na ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang posibilidad na ipatigil at ipagbawal na ang paggamit ng logbooks para sa contact tracing matapos na makatanggap ng ulat sa umano'y insidente ng smishing.

Paliwanag ni DILG Spokesman Jonathan Malaya, makikipag-ugnayan sila sa National Privacy Commission (NPC) kaugnay ngposibilidad na tuluyan nang ipagbawal ang mga logbook.

Nauna rito, nagpalabas ng paabiso ang NPC hinggil sa smishing, na pinagsamang salitang SMS o short messaging service at phishing, na ginagamit ng ilang tiwaling indibidwal upang makapanloko ng kanilang kapwa.

Sa smishing, nagpapadala ang mga fraudsters ng text messages na nagkukunwaring mula sa mga respetadong kumpanya, upang linlangin ang ilang indibidwal para ibunyag ang kanilang personal na impormasyon, gaya ng kanilang passwords o numero ng credit card upang mapagnakawan ang mga ito.

National

Akbayan, nagpaskil ng 'wanted' posters ni Harry Roque: 'Sumuko ka na, POGO lawyer!'

Sinabi ni Malaya na maaaring nakukuha ng mga naturang tiwaling indibidwal ang phone numbers sa mga logbooks na pinapipirmahan sa mga tao, bago sila pumasok sa mga establisimyento gaya ng mga malls, restaurants at iba pa.

Upang maiwasan naman ito, dapat magbigay na lamang ang mga establisimyento ng hiwalay na forms o tumanggap ng digital contact tracing applications, gaya ng StaySafe app upang makatiyak na hindi nakikita ng iba ang kanilang personal information.

Beth Camia