Patay ang isang tricycle driver nang makabanggaan ang isang sasakyan habang bumibiyahe sa Brgy. San Jose, Antipolo City nitong Lunes.

Dead on arrival sa Cabading Hospital ang biktimang nakilala lang na si Omar Piang dahil sa pinsalang tinamo sa kanyang ulo at katawan habang arestado naman ang suspek na si Rolly Casabuena.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, nabatid na dakong alas-5:25 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Marcos Highway, tapat ng Veterans, Sitio Kapatagan, sa Brgy. San Jose.

Nauna rito, sakay umano ang biktima ng kanyang tricycle at binabagtas ang Marcos Highway patungo sa direksyon ng Tanay, nang masakop nito ang kabilang lane ng kalsada.

Probinsya

55-anyos na babae, patay sa suwag ng isang kalabaw sa Bacolod City

Sanhi nito, nakasalpukan ng tricycle ang kasalubong nitong Mitsubishi Adventure na may plakang WFC 113, na minamaneho naman ng suspek.

Sa tindi ng impact ng salpukan ay nasira ang tricycle ng biktima at malubha siyang nasugatan.

Kaagad rin naman siyang naisugod sa pagamutan ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor.

Ang suspek naman ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso sa piskalya.

Mary Ann Santiago