Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na ang unang kaso ng Lambda variant ng COVID-19 sa bansa ay isang local case.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire,ang pasyente ay isang 35-anyos na babae nabuntis pa nang magpositibo sa sakit noong Hulyo.
“Base sa aming datos, the patient is a local case, hindi siya returning overseas Filipino,” ani Vergeire sa panayam sa radyo.
Wala umanong sintomas ang pasyente at sa ngayon ay nakarekober na ito.
Biniberipika pa naman ng DOH kung nanganak na ang pasyente dahil ang expected delivery date niya ay nitong katapusan ng Hulyo.
“Itong ating kababayan na nagkaroon nito, wala siyang sintomas. Pero siya ay kailangan i-monitor nang maigi dahil buntis po siya,” pahayag pa ni Vergeire.
Nagsasagawa na rin naman aniya sila ng contact tracing para matukoy kung may nahawaan ng sakit ang pasyente.
Samantala, sinabi pa ni Vergeire na ang Lambda variant ay nananatili pa rin namang variant of interest, at hindi pa kinaklasipika ng World Health Organization bilang variant of concern.
“Ibig sabihin, hindi ho pa significant para doon sa classification ng variant na ito to affect the population,” aniya.
Nabatid na ang Lambda variant ay unang natukoy sa Peru noong Disyembre 2020.
Mary Ann Santiago