Maaaring umabot hanggang 16,000 ang daily coronavirus disease (COVID-19) cases sa bansa sa susunod sa linggo kasunod ng walang humpay na pagtaas ng kaso sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa OCTA Research group nitong Lunes, Agosto 16.

“Although nakapag-14,000 [cases] na tayo in two straight days, ‘yung daily average natin is 11,800. Tumaas siya ng 35 percent sa nakaraang linggo. Ibig sabihin kung magpatuloy itong 35 percent, next week baka nasa almost 16,000 ang daily average natin kasi bumibilis yung pagtaas sa ibang lugar,” paglalahad ni OCTA Research fellow Dr. Guido David sa isang television interview.

“Depende kung ano 'yung mangyayari between now and by next week. Pero sa ngayon kasi ‘yung daily average natin tumataas sa buong bansa,” dagdag niya.

Paglilinaw ni Guido, may bahagyang pagbaba ng mga naiulat na kaso sa Metro Manila nitong Linggo, Agosto 15, gayunman, ilang bahagi ng bansa naman ang nakararanas ng patuloy na paglobo ng bagong kaso ng COVID-19.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Masaya tayo kahit papano, sa Metro Manila hindi siya tumaas kahapon [Aug. 15]. Bumaba ito ng kaunti kasi ‘nung Saturday, 3,989 cases pero kahapon 3,640. In fact, kahapon mas mababa siya kaysa dun sa past three days so may hope naman na baka may makikita tayong epekto ng enhanced community quarantine sa Metro Manila. Pero ganun pa man tumataas 'yung kaso sa buong bansa,”sabi ni David.

Ellalyn De Vera-Ruiz