Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na naitala nila ang kauna-unahang kaso ng Lambda variant ng COVID-19 sa bansa nitong Linggo, Agosto 15.

Batay sa ulat ng DOH, University of the Philippines - Philippine Genome Center (UP-PGC), at ng University of the Philippines - National Institutes of Health (UP-NIH), ang lumilitaw na unang kaso ng Lambda variant ay natukoy sa pinakahuling genome sequencing na isinagawa nila.

Ayon sa DOH, ang pasyente na dinapuan ng Lambda variant ay isang 35-anyos na babae na bina-validate pa kung local case o returning overseas Filipino (ROF). Kasalukuyan naman silang nagsasagawa ng back tracing at case investigation hinggil dito.

Ang pasyente ay asymptomatic at nakarekober na matapos na sumailalim sa 10-day isolation period.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Matatandaan na ang Lambda variant ng COVID-19 ay unang natukoy sa Peru noong Agosto 2020 at ito naman ay klasipikado bilang Variant of Interest (VOI) ng World Health Organization (WHO) noong Hunyo 14, 2021.

Anang DOH, ang naturang VOI ay may potensiyal na makaapekto sa transmissibility ng SARS-CoV-2 at kasalukuyang minu-monitor para sa posibleng clinical significance nito.

Mary Ann Santiago