Multong Kabaro

ni Nick Nañgit

Sabi nila, buwan daw ng mga Multo ngayon (o Ghost Month)!

Nagsimula ito nitong Agosto 8, ang Bagong Buwan (New Moon) ng ika-pitong buwan (lunar month) ayon sa pag-ikot ng Buwan sa ating planeta. Taun-taon nagaganap ito, at ngayong Taon ng Putting Metal na Baka ay magtatagal ito hanggang Setyembre 6.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Paano ba nagsimula ito, mga tol?

Ayon sa isa sa mga sinaunang alamat ng mga kulturang Silangan, may monghe raw na namatay. Pagdating sa kabilang estado, nakita niya ang kanyang mader na naghihirap, dahil sa patuloy nitong paglamon ng nagbabagang pagkain at walang kabusugan. Parusa ito, dahil noong nabubuhay pa, gahaman si mader sa kwarta at werpa.

Nagsumamo ng matindi si monghe sa tagabantay (o Buddha kung tawagin ang isang naliwanagang nilalang) na palayain si mader. Nagnilay-nilay si monghe, at dahil marami itong nagawang kabutihan at banal-banalan noong buhay pa, pumayag sa wakas ang tagabantay.

Noong dumating ang ika-pitong buwan, pinabuksan ng tagabantay ang pintuang-daan na naghihiwalay sa mundo ng mga patay at buhay, para pansamantalang palayain si mader, kasama ang iba pang kabaro niyang kaluluwa na kagaya siguro nina Shiroki Noroi Musha, Reika no Jutsu, at Natsuhi. Hinayaan ang mga multong ito na rumampa sa pisikal na mundo, dahil sa pag-asang may maaawa sa kanila, magdarasal ng kaligtasan, at mag-aalay pa ng kung anu-ano makaiwas lamang sa parusa.

May mga multong nakatawid na sa mas magandang estado; may mga hindi pa. Dito na nagpasya ang tagabantay na sa tuwing darating ang panahong ito ay pabubuksan niya ang pintuang-daan, para bigyan ng pagkakataon ang mga multong masalba sa kinasasadlakang hirap.

Kaya lang, ang siste ay nakakalimot sa dahilan ng kanilang paglaya ang mga multong kabaro. Nananatili silang maligalig o gutom. Nasa sa mga taong buhay na lamang ang kanilang pag-asa. Dahil nga maligalig o gutom pa rin sila, maraming negatibong nangyayari sa mga taong buhay.

Naririyan ang mga sakuna, lalo na sa paglalakbay o mga larong pantubig. Maraming hindi pagkakaunawaan, lalo na sa mga pinipirmahang kontrata, pinapagawang bahay, o binibiling mamahaling gamit. Higit na nabibiktima ang mga tanders at bagets, lalo na pagsapit ng dilim kung kailan may sumisipol, humuhuni, nagtatapon ng barya sa kalsada, o nanunulak na mga kamay galing sa mga pader. Masama ring mag kuwento o manood ng katatakutan. Wala munang pumupunta sa mga sementeryo, templo, o gusaling hindi tinatao.

Nakagawian tuloy, ayon sa tradisyon, na magsuot ng makukulay na damit at manatiling masayahin sa panahong ito. Kailangan kasi maging positibo ang enerhiya sa kapaligiran. May nagdadala ng mga asin at kristal na pangontra. Nag-aalay din ang mga naniniwala rito ng pagkain at inumin sa harap ng kanilang mga tarangkahan at pintuan ng bahay, na maihahalintulad sa ating tinatawag na atang.

Sa ika-15 araw ay nagkakaroon ng palabas sa mga entablado na gumugunita sa sinapit ng mudra ni monghe kung saan ay iniiwang bakante ang mga silya sa harapan, na may mga naka-alay na pagkain at inumin pa, para sa mga multo na umupo, manood, at maalala ang dahilan ng kanilang paglaya. Ang mga manunuod ay nagsusunog ng papel na joss at nagsisindi rin ng mga bangkang parol sa ilog, para sundan ng mga multo patungo sa mas magandang estado.

Sumatutal, parang Undas lang ito ng mga kulturang Kanluran.

Ang isang kaibahan ay ipinagdarasal ng mga taong buhay ang mga kaanak nilang yumao tuwing Undas, samantalang ipinagdarasal naman ng mga taong buhay ang lahat ng yumaong nahihirapan, kaanak man o hindi, tuwing Ghost Month.

Ang isa pang kaibahan ay nangangaluluwa (o kumakanta at humihingi ng kwarta o pagkain, na kagaya ng Trick or Treat) ang mga taong buhay na bumibisita sa mga bahay tuwing Undas, samantalang ang mga kaluluwa mismo ng mga taong patay na ang bumibisita sa mga bahay tuwing Ghost Month.

Kapag may kumatok sa inyo ngayon, anong gagawin mo?

Para sa iba pang dagdag kaalaman, mag Subscribe Watch Like at Share lang ang Nickstradamus channel sa YouTube, Pansamantala munang walang LIVE tuwing Biyernes 11pm Philippine Standard Time, dahil nagluluksa pa ako sa pagyao ng aking Dade at marami pang kailangang asikasuhin.

Para naman sa mga katanungang saykismo, gaya ng Orakulo gamit ang tarot cards, at sa mga made-to-order crystals, makipag-ugnayan lang sa sulatronikong[email protected].

Hanggang sa muli, Liwanag, Pag-ibig, at Buhay, Namaste!