Bilang bahagi ng programang #MakeITSafePH ng Globe para protektahan ang mga customer mula sa mga scammer at spammer, binalaan ng kumpanya ang mga customer nito na huwag magbibigay ng One-Time PIN (OTP) kahit na inaalok ng premyo o promo at agad na iulat ang mga kahina-hinalang tawag at teksto sa https://www.globe.com.ph/stop-spam.html.

Inulit ng telco ang paalala na ito sa gitna ng mga isyu na nauugnay sa over-the-top (OTT) na mga serbisyo ng mga nakaraang buwan. Sa modus operandi na ito, ang mga manloloko ay nagsa-sign up sa media service gamit ang isang random na numero ng Globe Postpaid. Nagpapadala sila ng SMS sa customer at nagkukunwaring isang Globe rep para ipaalam sa customer na nanalo sila ng mga premyo gaya ng cellphone at motorsiklo. Pagkatapos ay hinihingi nila sa customer ang OTP na ipinadala mula sa pag-sign up. Kapag naibigay na ng customer ang OTP, makukumpleto na ng mga scammer ang pag-sign up, at ang customer ang masisingil para sa subscription.

Ang ilegal na gawaing ito ay isang paraan ng "smishing", kung saan ang mga umaatake ay nagpapadala ng mga text message na nagpapanggap na kumakatawan sa mga kumpanya para kumbinsihin ang mga tao na magbigay ng kanilang personal na impormasyon.

"Sa paglaganap ng digital sa panahon ng pandemya, lalo tayong dapat maging maingat dahil ang mga scammers ay patuloy na naghahanap ng mga paraan para maloko ang mga customer. Bilang tagapagbigay ng koneksyon, nakikipag-ugnayang mabuti ang Globe sa kanyang mga partners para mapigilan ang mga ilegal na gawaing ito. Napakahalaga din ng kooperasyon ng aming mga customer dahil ang awareness ang una nilang linya ng depensa," ayon kay Anton Bonifacio, Chief Information Security Officer ng Globe.

National

Ilang retiradong AFP at PNP officials, sumulat kay PBBM; inalmahan 2025 nat'l budget?

Regular na nagpapadala ang Globe ng mga SMS sa lahat ng mga customer sa nagdaang ilang buwan para bigyan sila ng babala tungkol sa scam. Aktibo rin ito sa social media, gaya ng Globe Icon, para ipaalam sa publiko kung paano makikilala ang mga scammer. Tinutulungan din ng kumpanya ang mga customer na lutasin ang mga problema sa bill nila.

Nagbahagi rin ang kumpanya ng impormasyon kung paano malalaman ang isang scam o spam message:

1)  Ang nagpadala ay isang 11-digit na numero. Ang mga opisyal na message mula sa Globe ay 4-digit o alphanumeric code ang gamit.

2)  Mayroong sinasadyang pag-capitalize ng ilang mga letra at may mga maling gramatika at spelling sa mensahe.

3)  Humihingi ang text message ng personal na impormasyon gaya ng pangalan, edad, at address kapalit ng mga premyo sa raffle. 

4)  Humihingi ang nagpadala ng OTP, password, o PIN. Ang Globe at iba pang mga lehitimong institusyon ay hindi kailanman hihiling ng password o OTP, kaya't ang mga ito ay hindi dapat ibigay sa sinuman.

Maaari ring mag-report ang mga customer ng Globe tungkol sa mga mapaglinlang na gawaing ito sa pamamagitan ng Facebook account ng kumpanya na https://web.facebook.com/globeph, Twitter account na @Talk2GLOBE, at GlobeOne app.

Ang #MakeITSafePH ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng Globe para mapanatiling ligtas ang mga customer kapag sila ay online at itaguyod ang responsableng paggamit ng teknolohiya.

Ang Digital Thumbprint Program (DTP) ng Globe ay nagtuturo naman sa kabataan ng tamang paggamit ng digital para mapigilan ang pang-aabuso sa Internet. Ginawang online ng Globe ang mga module ng DTP para madaling ma-access ang mga ito online at maabot ang mas maraming mga gumagamit ng internet. Ang DTP ay isinama ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa kurikulum ng K-12 para palakasin ang mga module ng DepEd tungkol sa digital literacy.

Sinusuportahan din ng Globe ang kampanya na #SaferKidsPH na naglalayon na ma-maximize ang kamalayan ng tao sa mga hakbang na ginagawa para maiwasan ang Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC).

"Bilang isang kumpanya na nag-uugnay sa maraming mga Pilipino, responsibilidad namin at pangako na protektahan ang aming mga customer at panatilihing ligtas ang bawat aspeto ng aming negosyo mula sa lahat ng uri ng kriminalidad. Palagi naming binabantayan ang mga lumalabas na scam para masabihan agad namin ang publiko at makahanap ng paraan para malabanan ang mga ito,"dagdag ni Bonifacio.

Masidhing sinusuportahan ng kumpanya ang United Nations Sustainable Development Goals (SDG), partikular ang UN SDG No. 9, na nagtatampok ng mga papel na ginagampanan ng imprastraktura at pagbabago bilang kritikal na mga driver ng paglago at pag-unlad ng ekonomiya. Nakatuon ang Globe na itaguyod ang mga prinsipyo ng United Nations Global Compact at mag-ambag sa 10 UN SDGs.

Para malaman kung paano manatiling ligtas sa panahon ng digital, bisitahin ang https://www.globe.com.ph.