Kinumpirma ni Pasig City Mayor Vico Sotto na tatakbo siya para sa reelection sa May 2022 elections.

“Definitely,” diretsahang tugon ng alkalde nang matanong kung may plano pa ba siyang tumakbong muli sa pagka-alkalde sa susunod na halalan, sa isang panayam sa telebisyon.

Ayon kay Sotto, marami nang nagawa ang kanyang administrasyon para sa mga residente ng lungsod, partikular na ngayong panahon ng pandemya ng COVID-19.

Gayunman, aminado siyang limitado ito dahil na rin sa pandemya.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“We've made a lot of gains pero sa totoo lang limited ang nagawa namin dahil sa pandemya,” aniya pa.

Sinabi ng alkalde na napagtanto niya sa kanyang State of the City Address (SOCA) kamakailan na ang karamihan sa kanyang termino ay naubos sa pagtugon sa pandemya.

Aniya, sa dalawang taong pagiging alkalde niya, siyam na buwan lamang ang walang pandemya.

"Kumbaga we had nine months to clean things up. Grabe yung pinagdadaanan namin dito,” aniya pa.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Sotto na ang Pasig government ay unti-unti nang nakabubuo ng momentum at kumpiyansa na siyang agad makababawi ang lungsod.

Matatandaang si Sotto, na dating konsehal ng lungsod at anak ng mga beteranong artistang sina Vic Sotto at Coney Reyes, ang siyang tumapos sa 27-taong pamumuno ng pamilya Eusebio sa Pasig, nang talunin si dating Mayor Bobby Eusebio sa 2019 mayoralty race.

Mary Ann Santiago