Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na tuloy ang pagpapatupad nila ng Senior High School Voucher Program (SHS VP) para sa School Year (SY) 2021-2022.
Ayon sa DepEd, nakatuon sila ngayon na tiyakin ang patuloy na implementasyon ng SHS VP pati na rin ang mga ibang programa ng Government Assistance and Subsidies, sa pagkakataon na ang pondo ay magiging available sa DepEd.
Anang DepEd, ang mga kwalipikadong mag-aaral na nasa ilalim ng mga sumusunod na kategorya ay hindi na kailangan na mag-apply para sa SHS VP dahil sila ay kinokonsiderang kwalipikado na.
Nabatid na kabilang sa mga mag-aaral na makatitiyak na makakakuha ng kanilang vouchers para sa Grade 11 sa SY 2021-2022 ay ang mga mag-aaral na nakakumpleto/kukumpletuhin ang Grade 10 sa SY 2020-2021 sa mga pampublikong paaralan ng DepEd at yaong mga mag-aaral na nakakumpleto/kukumpletuhin ang Grade 10 sa SY 2020-2021 sa SUCs at LUCs.
Kwalipikado rin ang mga mag-aaral na nakakumpleto/kukumpletuhin ang Grade 10 sa SY 2020-2021 sa mga pribadong paaralan na mga Education Service Contracting (ESC) grantees.
Kaugnay nito, tiniyak ng DepEd na naghahanda na rin sila sa pagbubukas ng aplikasyon sa online voucher para sa darating na mga mag-aaral ng Grade 11 na nakapasa sa Alternative Learning System (ALS) Accreditation and Equivalency (A&E) Test for Junior High School level na hindi mas maaga sa 2016, mga ALS learner na nakapasa sa Portfolio Assessment, at mga mag-aaral na nakapasa sa Philippine Educational Placement Test (PEPT) para sa Grade 10, sa kundisyon na ang mga mag-aaral na ito ay hindi nakapag-enrol dati sa Grade 11.
Ang aplikasyon sa voucher para sa mga tutuntong sa Grade 11 na mag-aaral na nakakumpleto ng Grade 10 sa mga private junior high schools, na hindi mga grantees sa ilalim ng DepEd ESC Program ay magbubukas ayon sa tagubilin ng DepEd at sa oras na matanggap na nila ang karagdagang pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM) o sa mga pagkakataon na magpapahintulot sa DepEd na mapaunlakan ang dagdag na mga benepisaryo ng voucher program.
Siniguro rin ng ahensiya na mahigpit silang nakikipagtulungan sa mga may kinalamang opisina para sa kahilingan sa karagdagang pondo.
Ang detalyadong mga patnubay sa pagsasagawa ng SHS Voucher Application para sa SY 2021-2022 ay makikita sa mga websites at iba pang opisyal na mga platform ng DepEd at ng Private Education Assistance Committee (PEAC).
Mary Ann Santiago