Walang biyahe ang mga tren ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ngayong weekend o mula Hulyo 3 (Sabado) at Hulyo 4 (Linggo), bilang bahagi ng paghahanda sa pagbubukas na sa publiko ng dalawang bagong istasyon nito sa Antipolo at Marikina sa Hulyo 6, Martes, sa ilalim ng LRT-2 East Extension Project.
Sa isang paabiso, inanunsiyo ng LRT Authority (LRTA) na ang trip cancellations ay dahil sa full integration ng signalling systems sa pagitan ng mga luma at mga bagong istasyon ng linya ng LRT-2.
Ang LRT-2 ay dating nag-uugnay lamang mula sa Recto sa Maynila at Santolan sa Pasig City.
Gayunman, dahil sa naturang bagong proyekto, na pinasinayaan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay nadagdagan pa ito ng dalawang bagong istasyon matapos ang Santolan Station.
Kabilang dito ang Marikina Station, na matatagpuan sa pagitan ng Gil Fernando Avenue, Imelda Avenue, at Marcos Highway; at ang Antipolo Station na matatagpuan naman sa Masinag portion sa Marcos Highway.
Sa tulong ng naturang bagong proyekto, inaasahang mababawasan na ang biyahe mula saClaro M. Recto Avenue, sa Maynila hanggang sa Masinag, Antipolo ng mula 30 hanggang 40-minuto na lamang, mula sa dating tatlong oras, kung sasakay ng bus o jeepney.
Mary Ann Santiago