Dalawang obrero ang namatay nang tambangan ng mga ‘di kilalang salarin habang magkaangkas sa isang motorsiklo sa Morong, Rizal nitong Lunes.
Kaagad na binawian ng buhay dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na kilalang sina Robert Cortez, 44, laborer, at Eric Adamero, 43, laborer, at kapwa residente ng George Town Subdivision, Sitio Balante, Bgy. San Jose, Morong.
Samantala, inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang salarin na mabilis na tumakas matapos ang krimen.
Batay sa ulat ng Morong Municipal Police Station, dakong 7:30 ng umaga nang maganap ang krimen sa Garrovillas St., Bgy. San Jose.
Magkaangkas ang mga biktima sa isang motorsiklo patungong Morong Town proper nang pagsapit sa naturang intersection ay bigla na lang silang tinambangan at pinaulanan ng bala ng mga salarin.
Nang matiyak na napuruhan na ang mga biktima, mabilis na ring tumakas ang mga suspek patungo sa direksiyon ng Bgy. San Juan.
Masusi naman nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang krimen para sa agarang ikareresolba nito.
Mary Ann Santiago