Matamang susubaybayan ng Philippine National Police (PNP) ang mga simbahan matapos payagan ng gobyerno na makadalo sa misa at makapasok sa loob ang hanggang 30 porsiyento ng mananampalataya sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ), tulad sa Metro Manila.
Inatasan ng bagong hirang na puno ng PNP na si Gen. Guillermo Eleazar, ang mga police commander na makipag-ugnayan sa mga lider-relihiyoso sa kani-kanilang AOR (areas of responsibility) upang matiyak na ang mga taong pupunta o papasok sa simbahan ay tumatalima sa public health standard na itinatakda ng Department of Health at ng IATF.
"Gaya ng sinabi ko sa mga commander, wag na nating hintayin pa na tawagin para tumulong sa pagtugon sa mga insidente ng paglabag para gumawa ng kaukulang aksiyon," pahayag ni Eleazar.
Batay sa mga ulat, kabilang sa mga simbahan na susubaybayan ng pulisya ay ang Quiapo Church sa Maynila at Redemptorist Church sa Parañaque City. May mga simbahan din sa iba't ibang lungsod ng Metro Manila ang mahigpit na susubaybayan ng mga pulis upang maiwasan ang paglabag sa health protocols at hawahan ng coronavirus.
Sa puntong, hinihikayat ni Gen. Eleazar ang mga taong magsisimba o magtutungo sa simbahan na lubos na sumunod sa public health safety protocols upang makaiwas na tamaan ng COVID-19.
Samantala, batay sa report ng PNP, ang bilang ng mga lumagbag sa quarantine sa National Capital Region (NCR) Plus bubble – na kinabibilangan ng Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite – ay bumaba nang 19 porsiyento.
Ayon kay Eleazar, may 51,000 tao ang sinita ng pulis sa NCR Plus nitong nakaraang linggo kumpara sa 63,000 indibidwal na sinita at hinuli noong nakaraan pang linggo. “It’s a good sign that as we relax in terms of restrictions on travel and movement, the number of those being accosted continues to go down,” badya ng PNP chief.
Ang pagbaba ng bilang ng quarantine violators, ayon kay Eleazar, ay dahil sa matinding kampanya sa impormasyon ng gobyerno tungkol sa health protocols at sa pagtatalaga ng maraming pulis na sumusubaybay sa mga pampublikong lugar.
Sapul nang sumulpot ang pandemya noong nakaraang taon, may 1.05 milyong tao ang dinakip sa paglabag sa quarantine restrictions. Sa bilang na ito, 614,542 ay mula sa Luzon, 259,139 mula sa Mindanao at 182,199 mula sa Visayas.
Kapag laging ganito ang pagkilos at paninindigan ng PNP sa ilalim ni Gen. Eleazar na kaytagal naghintay para maging hepe ng PNP, malaki ang tsansa na makatutulong ito sa pamahalaan para mapababa ang mga kaso ng salot na kayrami nang buhay ang kinitil at higit na maraming tao ang tinamaan ng virus.