ni BERT DE GUZMAN

Sinagot ni ex-Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario ang pahayag ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na hindi siya nangako na babawiin ang West Philippine Sea (WPS) mula sa pangangamkam ng China rito.

Ayon sa malumanay magsalitang Kalihim ng Ugnayang Panlabas, kahit nangako o hindi ang Pangulo noong 2016 elections na babawiin niya ang WPS at ipe-pressure ang dambuhalang China, tungkulin niya bilang Presidente sa ilalim ng Constitution na protektahan ang teritoryo ng bansa at ang sambayanang Pilipino.

Hinimok niya si PRRD na huwag ipagpalit ang mga lupain at karagatan dahil lamang sa pangakong salapi ng China at sa halip ay isulong niya ang desisyon ng Arbitral Tribunal na pumapabor sa Pilipinas sa WPS at mga teritoryo ng bansa.

Ipinaalala ni Del Rosario kay Mano Digong na sa panahon ng Panatag (Scarborough) Shoal stand-off, hindi inalis ng China ang puwersa nito roon--isang paglabag sa US-brokereed agreement o kasunduan--- na humihiling sa mga barko ng dalawang bansa (PH at China) na lisanin ang nasabing lugar.

"Tayo ay umalis pero ang Beijing ay hindi. Hanggang ngayon, ang China ay tumatangging i-withdraw

ang mga barko roon sa kapanganyayaan ng mga taong naninirahan doon," ani Del Rosario.

May mga pagkakataon pang hinaharang at binabawal ng Chinese Coast Guard ang mga mangingisdang Pinoy na mangisda sa Panatag Shoal na panahon pa ng kanilang mga ninuno ay doon na nangingisda.

"Hinggil sa komento ng Pangulo na ako ay kanyang susuntukin kapag nakita niya ako, may we convey that we wish him well and may he uphold his sworn duty to the Filipino people," mapakumbabang saad ng Kalihim.

Noong Huwebes, may istorya ang isang English broadsheet ng ganito: "PCG drives away 7 Chinese vessels off Palawan." Itinaboy raw ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pitong Chinese maritime militia vessels sa pagpapatrulya nito kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Sabina Shoal noong Abril 27, ayon kay PCG spokesman Commodore Armand Balilo.

Sinabi ni Balilo na naispatan ng PCG ang pitong China Maritime Militia Vessels (CMMV) kaya niradyuhan at tinanong kung ano ang kanilang intensiyon sa lugar ng saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng PH.

Ipinaalam ng PCG na ang Sabina Shoal ay bahagi ng EEZ ng Pilipinas. Nang mabigo ang mga ito na tumugon, nilapitan sila ng PCG. Sa puntong ito, agad-agad daw na itinaas ng CMMV ang kanilang mga angkla at sinimulang paandarin ang mga makina.

Umalis ang mga ito at sila'y sinundan ng PCG at BFAR para masiguro na tuluyang lilisanin ang Sabina Shoal na may mahigit na 73 milya ang layo mula sa Mapangkal Point sa Rizal, Palawan at napakalayo sa pinakamalapit na isla ng China sa Hainan.

Hinangaan at pinapurihan ng mga Pinoy ang aksiyon ng PCG at BFAR sa pagpapalayas sa mga barko ng China sa Sabina Shoal. Aalis naman pala ang mga barko ng dambuhalang bansa ni Pres. Xi Jinping kapag nilapitan at pinagsabihang saklaw ng PH ang mga lugar.

Maging ang Vietnam at Indonesia ay nagbibigay ng proteksiyon sa kanilang teritoryo at karagatan na tinatangkang okupahan ng China. Hindi naman naghahamon ng giyera ang dambuhala. Kaya hindi dapat mangamba ang Pangulo at ang mga mamamayan na gigiyerahin tayo ng China dahil sa sigalot sa WPS. Sabi nga niya, kaibigan ng PH ang China!