Gaya ng kanyang ipinangako, tuluy-tuloy pa rin sa pag-ani ng tagumpay ang Filipino karateka na si  James de los Santos sa larangan ng virtual kata tournaments.

Noong nakalipas na Mayo 5, nakopo ni De Los Santos ang kanyang ika-16 na gold medal ngayong taon matapos magwagi sa Budva Winner-Adria Cup #3 eTournament.

Iginupo ni De Los Santos ang Amerikanong si Alfredo Bustamante sa finals para manatiling matatag sa pagkakaluklok bilang world no.1 e-kata athlete.

Nauna rito, ginapi ng 31-anyos na karateka mula Cebu ang beteranong si Matias Moreno-Domont ng Switzerland sa finals ng third leg ng SportData eTournament World Series.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa kasalukuyan ay may natipon na si De Los Santos na 52 gold medals simula ng mag--umpisa syang sumali sa mga e-kata tournaments habang may COVID-19 pandemic.

Lalo pang pinalaki ng Filipino champion kata ang kanyang agwat sa world ranking kontra sa pumapangalawa sa kanyang si Moreno-Domont matapos makatipon ng kabuuang 26,695 puntos kumpara sa 14,415 puntos ng huli.

Malayo namang pangatlo sa kanila si Bustamante na may natipong 10,675 puntos. V.A.

Marivic Awitan