ni BERT DE GUZMAN

Nakiusap ang United States COVID-19 vaccine maker na Moderna at Zuellig Pharmacy sa Food and Drug Administration na pagkalooban sila ng emergency use authorization (EUA) para sa mRNA-1273.

Hinirang ng Moderna ang commercial division ng Zuellig na ZP Therapeutics bilang vaccine distributor sa Pilipinas.

Sinabi ni FDA director general Rolando Enrique Domingo na sinusuri ng kanilang vaccine panel ang mga data na isinumite ng Zuellig. "Nais naming pasalamatan ang gobyerno ng Pilipinas sa kanilang pakikipagtulungan para madala ang Moderna sa Pilipinas," pahayag ni Moderna chief executive Stephane Bancel.

Samantala, sinabi ni Vaccine czar Carlito Galvez Jr. na maganda itong development dahil matatamo ng bansa ang ahikain nitong mabakunahan ang 70 milyong Pilipino. Sa ngayon, tanging Sinovac at AstraZeneca ang mga bakuna na nasa Pilipinas na.

Suportado ni presidential adviser on entreprenuership Jose "Joey" Concepcion ang panukalang batas na naglalayong maging mandatory ang pagbabakuna ng Covid-19 sa mga mamamayan dahil ito ang magsisilbing susi sa muling pagbangon ng ekonomiya.

Naghain si Cavite Rep. Elpidio Barzaga ng House Bill 9252 (Mandatory COVID-19 Immunization Act of 2021) na nag-aatas sa mga ospital ng pamahalaan at health centers na bakunahan ang lahat ng Pilipino nang libre laban sa virus.

Ayon kay Concepcion: "Vaccination is the only way we can get through this pandemic and vaccinating the employed sector will expedite the country's return to economic recovery." Inihalintulad niya ang Covid-19 pandemic sa isang digmaan na kailangang sapilitan ang pakikisangkot ng lahat ng mamamayan para labanan ang pandemya.

Simula nitong Mayo 1, pinaikli na ang curfew hours para pasiglahin ang negosyo. Sang-ayon ang mga Metro Manila mayor sa hakbanging ito.

"Lahat ng local chief executive sa Metro Manila ay katig na magpatibay ng kani-kanilang executive orders at/o mag-adopt ng mga ordinansa para sa tamang implementasyon ng standardized at unified curfew hours," saad ng Metro Manila Council (MMC), ang governing at policy making ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sa panahon ngayon ng matinding pandemya, talagang kailangang balansehin ang mga isyu tungkol sa pananalasa ng Covid-19 na mahigit na sa isang milyong Pinoy ang tinamaan samantalang dapat ding intindihin at protektahan ang ekonomiya at trabaho ng milyun-milyong manggagawa na nangawalan ng trabaho.