TALIWAS sa pananaw ng ilang sektor ng ating mga kababayan, naniniwala ako na ang katatapos na Balikatan Exercises (BE) ay mananatili sa kabila ng sinasabing plano ng Duterte administration na marapat nang tuldukan ang naturang pagsasanay na nilalahukan ng mga sundalong Amerikano at ng ating mga kapatid na sundalong Pilipino. Ang aking paninindigan ay nakaangkla sa mga ulat na ang naturang BE ay nagbunga ng ating hangaring magkaroon ng katahimikan at katatagan sa Indo-Pacific Region.
Ang nasabing BE, sa aking pagkakaalam, ay isa sa mga probisyon ng Visiting Forces Agreement (VFA) na nagsimulang ipatupad noong nakalipas na administrasyon. Bahagi rin nito ang isa pang kasunduan -- ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na kinapapalooban din ng sinasabing paminsan-minsang pag-aagapay ng mga sundalong Amerikano sa pagpapanatili ng seguridad sa bansa laban sa mga terorista na kasabuwat ng ilang dayuhan. Hindi ba ang gayong pakikipagtulungan ng mga US forces ay nagbunga ng pagpuksa kay Marwan at sa kanyang mga alagad? Hindi ba si Marwan ang pusakal na dayuhang bomb expert na katuwang ng mga terorista sa Mindanao?
Magugunita na ang pagpapawalang-bisa ng VFA ay naging sentro ng panggagalaiti ni Pangulong Duterte noong panahon ni dating President Barack Obama. Sariwa pa sa aking utak ang mahahayap na parunggit ng ating Pangulo sa Ex-Us President nang lumutang ang naturang masasalimuot na isyu. Gayunman, sa ilalim ng sumunod na mga administrasyon, tila lumambot ang naturang dating matitinding banta dahil marahil sa sinasabing mabuting relasyon ngayon ng US at ng ating bansa.
Dahil dito, lalong tumindi ang aking paniniwala na ang nabanggit na mga kasunduan ay mananatili -- at maaaring lalo pang tumatag -- dahil sa katotohanan na ang dalawang bansa ay talaga namang hindi dapat magkalayo; ang mga mamamayang Amerikano at ang mga kababayan nating mga Pinoy sa Amerika ay mistulang magkakapatid at namumuhay na isang pamilya.
Isang katotohonan na halos lahat ng ating mga kababayan ay may mga kamag-anak sa United States -- at nakikinabang sa mga benepisyo na tulad ng ipinagkakaloob sa mga Amerikano. Bukod dito, maraming mga kasunduan -- kabilang na halimbawa, ang Mutual Defense Treaty -- ang nagkakaloob ng mga ayuda sa ating bansa. Bukod pa rito, siyempre, ang pinaniniwalaan kong hangarin ng US na damayan ang Pilipinas laban sa panggigipit ng ilang makapangyarihang puwersa sa iba't ibang panig ng mundo.
Ilan lamang ang mga ito sa makatuwirang batayan upang mapanatili ang mga kasunduang umiiral sa pagitan ng dalawang magkaalyadong bansa -- mga relasyon na hindi dapat lagutin.