ni DAVE VERIDIANO

Kapag may asong nagwawala, tahol nang tahol at kahit sinong tao ang makita ay hinahabol, agad itong binubusalan ng may-ari upang hindi na makaperwisyo. Yung iba pa nga, kapag malala na ang pagiging “asong ulul” ay dinadala na lamang sa beterinaryo upang tuluyang “patulugin” nang mahimbing.

Ganito ang nakikita kong solusyon na naisip agad ni National Security Adviser (NSA) Hermogenes Esperon Jr., nang ipahayag nito noong Linggo na pagsasabihan niya ang dalawang opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na sina spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade at Undersecretary Lorraine Badoy. “Desist in the meantime, not to desist as spokespersons, but from making comments about the community pantry issue.”

Hindi naman pinalagan nina Perlade at Badoy ang “gag order” laban sa kanila, dahil naiintindihan naman daw nila ito. “They understand. They also want to support the bayanihan. So if ang sabi nila kung nagiging unclear and muddles the perception about community pantry, then they can desist,” sabi ni Esperon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Marami kasing kababayan natin ang inalmahan ang umano’y ginagawang profiling ng ilang miyembro ng pulis – sa utos siyempre ng NTF-ELCAC -- sa mga community pantry owners, na tinawag nilang bahagi ng “red-tagging” ng mga pulis at militar. Dahilan ito kaya’t pansamantalang isinara ang ilan sa sumikat na community pantry sa buong bansa, unang-una na rito ang sa Maginhawa Street, Diliman, Quezon City.

Sabi ni Esperon, ang gag order niya ay para ‘di na magkalituhan pa sa pagbibigay ng impormasyon kaugnay sa mga Bayanihan initiatives: “Kapag nagsalita sila akala kasi ng iba, some would take it as the two are against the concept of Bayanihan. Ang purpose lang naman is to avoid heated exchanges as if we are red-tagging or saying that bayanihan is bad. But no, we are not, because we ourselves are proponents of Bayanihan spirit,” dagdag niya.

Sa tonong halatang-halata na ipinagtatanggol pa rin ni Esperon ang dalawang opisyal ng NTF-ELCAC, aniya: “For instance, Gen. Parlade has many projects on Bayanihan in his area in Southern Tagalog, and Mimaropa, except Palawan. On the other hand, Undersecretary Badoy is involved in civic organizations and she knows Bayanihan.”

Bagaman hindi ko maituturing na “pagpapatulog” ang utos na ito ni Esperon – gaya ng ginagawa ng beterinaryo sa mga asong ulul na nagwawala – marahil ito yung tinatawag na “pagbubusal” upang kahit paano ay matigil ang walang direksyon katabilan nina Parlade at Badoy.

Ang walang kapararakang kasing pag-iingay nilang dalawa ang nagiging dahilan tuloy ng pagkakaungkat sa pagiging bilyonaryong opisina ng NTF-ELCAC – na ang budget pala ay abot ng P19-billion para sa 2021 -- na ang karamihan sa trabaho ay duplication lamang ng sa National Intelligence and Coordinating Agency (NICA).

Sa patotoo ng ilang nakaututang dila ko na mga matitinik na tiktik -- duplication lang talaga ang karamihan sa tinatrabaho ng NTF-ELCAC, kaya maraming operatiba ang nagtatanong kung saan napunta ang bilyones na inilaang pondo para sa mga project, na ang resulta ay galing naman sa ibang opisina?

Kalimitan kasi, dahil kulang sa pondo para sa kanilang operasyon, ‘yung mga nababasa na lamang na post sa social media, at lalo na yung mga fake news na naglulutangan, ang madalas na pinapatulan ng mga nagtitipid na intel operative.

May mga “PR/Psywar operator” kasi na sadyang nagpapalutang ng mga fake news na ang layunin ay ma-pick-up ng mga “tamad” – kasi walang pondo para mag-ikot sa kanilang trabaho -- na intel operative, upang maisama sa tinatawag na “daily intelligence briefing materials,” na siya namang nagiging dahilan ng mga palpak at walang direksyong pagpapasiya ng mga nasa pamahalaan!

Dito ko muling naaalala ang kahalagahan ng tinatawag na “counter-intelligence operations” na ang ibinabatong impormasyon ay hindi lamang mga positibo – masarap pakinggan para sa kanilang mga bossing -- bagkus ‘yung mga negatibo upang maging basehan ng mga tumpak na pagpapasiya sa ating pamahalaan!

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]