ALCANTARA – Sumandal ang Tabogon Voyagers sa krusyal na opensa ni big man Arvie Bringas para maungusan ang ubigon Bohol Mariners, 102-99, Martes ng gabi sa Visayas leg ng 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa Alcantara Civic Center sa Cebu.

Naisalpak ni Bringas ang pahirapang tira sa lowpost para basagin ang huling pagtabla sa 101-99 bentahe may 56 segundo ang nalalabi sa laro. Sa sumunod na play, nagawang maagaw ni JVoyager wingman Jethro Sombero ang entry pass ni Joseph Marquez tungo sa free throw ni Joemari Lacastesantos para sa 102-99 bentahe.

May pagkakataon pa ang Bohol na maipuwersa ang laro sa overtime, ngunit sumablay ang dalawang pagtatangka ni Mac Montilla sa three-point area para selyuhan ang panalo ng Tabogon matapos ang opening day loss sa MJAS Zenith-Talisay City. Bagsak ang Bohol sa 0-2.

Tumapos si Bringas na may 24 puntos at walong rebounds, habang kumana si Sombero ng 15 puntos at 14 rebounds, isang assist at isang steal. Nag-ambag sina Armel Orquina at Niño Caballero ng 14 at 13 puntos.

Muntik mag-suntukan! Beermen vs Taoyuan, nagkainitan sa PBA-EASL

“The play was to go in the post because we noticed that they couldn’t stop him,” pahayag ni Tabogon coach Expedito Delos Santos. “Masaya ako kasi he’s one of the veterans of the group. Masaya po ako sa nangyari.”

Nanguna si Marquez sa Mariners na may 22 puntos, habang tumipa si Jumike Casera ng 14 puntos.

Target ng Tabogon na masundan ang panalo laban sa KCS-Mandaue sa Huwebes ganap na 2:00 ng hapon, habang mapapalaban ang Bohol sa naturang ding koponan ngayong 5:00 ng hapon.

Iskor:

Tabogon (102) — Bringas 24, Sombero 15, Orquina 14, Caballero13, De Ocampo 12, Lacastesantos 7, Delos Reyes 6, Bersabal 6, Diaz 5, Vitug 0.

Bohol (99) — Marquez 22, Casera 14, Cabizares 13, Leonida 12, Llagas 11, Montilla 8, Dadijul 7, Ibarra 4, Tilos 4, Musngi 2, Tangunan 2, Apolonias 0.

Quarterscores: 29-33, 58-62, 81-84, 102-99