ni Ric Valmonte
Bukod sa Sinovac, AstraZeneca, Pfizer, Jansen-Jansen, at Moderna na sa ngayon ay bukambibig sa halos buong daigdig dahil naiulat na nalikha bilang gamot sa pandemya, may sumulpot sa gitna ng kasikatan ng mga ito ang isa pang uri ng gamot. Matagal na itong nagawa kaya lang ginagamit ito sa mga hayop. Dahil ginagamit din ito laban sa virus na nanghahawa sa mga hayop, may mga parmasyutiko na nagaral kung pwede rin ito sa tao. Tutal, kung virus ang sanhi ng COVID-19 at virus din ang pinapatay nito sa hayop, bakit hindi pwede sa tao? Kaya, may gumagamit na ng gamot na ito. Ivermectin ang pangalan. Katunayan nga, inanunsiyo nang ipamamahagi na ito ni Kalusugan Party-List Rep. Mike Defensor sa kanyang nasasakupan.
Sa kabila ng banta ni Pangulong Duterte na mananagot ang sinumang gumagawa, nagbebenta o namamahagi ng gamot laban sa COVID-19 na hindi aprobado ng gobyerno, eh ang Ivermectin ay kumakalat na at may mga gumagamit na nito sa kabila na hindi ito aprobado ng Department of Health (DOH). Binigyan lang ng compassionate use ang gamot na galing at subok na sa ibang bansa.
Ang problema naman sa gamot na Ivermectin, naiulat na ibenebenta na ito sa napakataas na halaga. May iilang nagtatamasa na sa nangyayaring ito kahit hindi pa pinagtibay ng DOH na pwede nang gamitin ang gamot sa tao. Pero, nalagay na kasi sa sitwasyon ang mamamayan na wala na silang magawa kundi ang depensahan ang kanilang sarili laban sa salot. Totoo, iyong sinabi ni Eric Domingo, PDFA Director-General, na desperado na ang taumbayan. Paano naman kasi, walang matinong programa ang gobyerno kung paano babakahin ang pandemya. At ito ang talagang mangyayari sapagkat ang mga namumuno sa labanan ay ang dating mga namuno sa armadong pakikibaka sa pagtatanggol ng bansa at sa pangangalaga ng kaayusan at kapayapaan nito. Bagamat problemang pangkalusugan ang pandemya, sa paglapat ng lunas dito ay apektado ang ekonomiya ng bansa. Kasi, habang nireremedyuhan ito, kailangan makontrol ang pagkalat nito. Upang maganap ito, kailangan makontrol ang galaw ng taumbayan at dito magaling ang nangangasiwa sa paglaban sa pandemya. Napakagaling nitong napairal ang lockdown at lahat ng uri nito dahil madaling naikalat nito ang mga sundalo at pulis upang mapwersang mapanatili ang mamamayan sa kani-kanilang kinalalagyan. Sa buong daigdig, sa ating bansa lang pinairal ang mahabang lockdown. Ang napakalaking problema, tumigil ang ating ekonomiya. Marami ang mga nagsarang pabrika at marami ang nawalan ng trabaho. Nagkagutom-gutom ang mamamayan. Sa gitna ng kanilang kahirapan, pinaasa sila ng Pangulo na hindi magtatagal ang kanilang pagtitiis dahil “vaccine is just in the corner.” May pera, aniya, ang gobyerno na pambili ng bakuna. Sa hindi lang iilang pulong ng Pangulo sa mga opisyal na itinalaga niya sa paglunas sa pandemya, marami nang inulat si czar vaccine Carlito Galvez na mga dosage ng kung anu-anong bakuna ang darating sa bansa. Hanggang ngayon lockdown pa rin ang remedyo. Kaya, itong Ivermectin, kahit lason at ibinabalitang nakamamatay, ginagamit nang gamot ng taumbayan. Dahil inipit sila ng gobyerno sa pagitan ng pandemyang wala itong kakayahang, malunasan at gutom, kumakapit na sa straw para lang lumutang at makahinga.