Ni Bert de Guzman
TALAGANG mabagsik itong COVID-19. Maging si dating Pangulong Joseph Estrada ay tinamaan din ng lason ng virus na itong halos araw-araw ay nagbibigay ng impeksiyon sa mahigit na 9,000 Pilipino.
Sa pahayag ng kanyang mga anak, sinabi nilang ang dating Pangulo ay nagkaroon ng coronavirus noong umaga ng Lunes. Kung sa bagay, hindi lang naman si Pres. Erap ang na-COVID na lider ng bansa.
Sa isang Facebook post, sinabi ni dating Sen. Jinggoy Estrada na ang kanyang ama ay na-diagnose na may COVID-19 kung kaya isinugod sa ospital noong Linggo nang gabi.
"Ang kanyang kondisyon ay stable at humihingi ako ng panalangin para sa kanyang mabilis na paggaling." sabi ni Jinggoy. Si dating Sen. JV Ejercito ay nag-post din sa Facebook at humihingi ng dasal para sa kanyang ama.
Napatalsik sa puwesto si Estrada noong 2001 dahil sa mga alegasyon ng kurapsiyon. Na-convict siya ng Sandiganbayan sa plunder noon pero binigyan siya ng amnesty ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Tumakbo siya bilang alkalde ng Maynila at nahalal mula 2013 hanggang 2016.
Hanggang nitong Marso 28, umabot na sa 721,892 ang COVID-19 cases sa Pilipinas, na may mahigit na 105,000 aktibong kaso. Inilagay ng gobyerno ang Metro Manila at apat na lalawigan sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa loob ng isang linggo sa layuning masawata at makontrol ang mabilis na pagkalat at pagdami ng coronavirus na may iba't ibang variant na.
Siyanga pala, sa amin sa Bulacan, lubhang ikinabahala ni Bulacan Vice Gov. Wilhelmino Alvarado ang mabilis na pagdami ng Covid-19 matapos ang isang taon at ang pagkakasama ng Bulacan sa Metro Manila plus bubble. Sa kanyang Facebook, sinabi ni Alvarado bilang presiding officer ng Sangguniang Panlalawigan na ang dahilan ay hindi pagsusuot ng karamihan ng face mask/shield, di pagtalima sa physical distancing, pagkumpul-kumpol at pag-iinuman.
Aniya, nagiging relax ang mga tao kapag ang kausap o kasama ay mga kamag-anak, katrabaho o kaibigan kung kaya hindi na kailangan ang pagtalima sa minimum health protocols. Ayon kay Alvarado, ang virus ay naririto pa at naghihintay ng mga biktima na hindi maingat. Kahit aniya sa loob ng tahanan, kailangang mag-ingat ang mga miyembro ng pamilya.
Binigyang-diin niya sa mga Bulakenyo ang laging pagtalima sa minimum health standard para sa kaligtasan ng lahat. Iginiit din ng Vice Governor ang kahalagahan ng pagbabakuna laban sa COVID-19 na dapat ilunsad kaagad sa buong lalawigan upang masagip at maiiwas ang mga mamamayan sa virus.
Sinabi ni Alvarado na sa 6 bilyong pisong pondo (P6 billion) ng Bulacan ngayong taon, kayang-kayang tugunan ang pagbili ng mga bakunang mahusay at makagagaling sa mga residente sa lalong madaling panahon. Hinikayat niya ang pamahalaan ng Bulacan na tulungan ang mga bayan at lungsod na walang kakayahang bumili ng mga bakuna at isulong ang vaccination program sa buong lalawigan.
Kung ang kaisipan at paninindigan ay katulad lamang ng sa Vice Governor ng Bulacan, malaki ang tsansa na masusugpo ang Covid-19 pandemic na ngayon ay patuloy sa pananalasa sa maraming panig ng bansa, lalo na sa Metro Manila na itinuturing na episentro, at sa apat pang lalawigan! Mga Bulakenyo, kilos, kilos na tayo at pakinggan ang paalala at tagubilin ni Vice Gov. Alvarado!