ni Ric Valmonte
“Sasalungatin namin ang anumang gawaing paghihimasok o paglusob sa ating teritoryo. Kabilang sa aming tungkulin ay tiyakin na ang ating mangingisda at mamamayan ay malayang makapamuhay at matamasa ang yamang dagat sa ating EEZ. Pero, ipupursige natin ito ayon sa patakaran ng paglutas ng isyu at isasaalangalang ang panagawagan ng secretary of national defense sa mga Chinese na tigilan ang paglusob at alisin ang mga barkong nasa loob ng ating teritoryo,” wika ni Armed Forces of the Philippines Spokesman Maj. Gen. Edgard Arevalo.
Kaugnay ito sa 220 Chinese vessels na namataan ng Philippine Coast Guard na nakadaong sa Julian Felipe Reef malapit sa Palawan sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa. Noon pa palang Marso 7 naroon na ang mga barko na sa hinala ng national task force on West Philippine Sea (NTF-WPS) ay pinapatnugutan ng mga Chinese maritime militia personnel. Sa Facebook page, inihayag ng NTF-WPS nitong nakaraang Sabado na nakababahala ang bagay na ito dahil sa posibleng overfishing at pagkasira ng maritime environment at panganib sa kaligtasan ng paglalayag.
Nanawagan naman nitong Linggo si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa China na alisin ang kanilang barko at itigil ang pagpasok sa teritoryo ng bansa. Kasabay nito, nagsampa ng diplomatic protest si Foreign Secretary Teddy Locsin, Jr. Makikipag-usap ang Pangulo sa ambassador ng China, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque. Wala, aniyang, hindi mapapag-usapan sa magkakaibigan.
Hindi ko alam kung ano ang kahihinatnan ng sinasabi at ikinikilos ng mga pinuno natin sa Armed Forces of the Philippines. Magagampanan kaya nila ang kanilang tungkulin na ipagtanggol ang integridad ng bansa at iyong sinasabi ni Maj. Gen. Arevalo na kanilang pagtiyak na malayang makapanginigisda ang ating mga mangingisda at matatamasa natin ang yaman ng ating dagat sa loob ng ating EEZ? Ang alam ko ay ang kanilang pinakapinuno, ang kanilang commander-in-chief, ay ang Pangulo. Iyong bang kanilang matapang na pahayag ay kanilang mapapanindigan o nakadepende ito kung ano ang magiging resulta ng aksyon ng Pangulo? Eh inaangkin din ng China ang Julian Felipe Reef na kinaroroonan ng kanilang mga barko. Ayon sa Chinese Embassy, ito ay Niu’e Jiao na bahagi ng teritoryo ng China na Nasha Quindao na regular nitong pinangingisdaan.
May mga dahilan kung bakit dapat ipursige ng AFP ang kanilang inihayag sa kabila ng pananahimik ng Pangulo. Sakop ng EEZ ng Pilipinas ang Julian Felipe Reef ayon sa Arbitral ruling at walang batayan sa kasaysayan ang pagangkin ng China sa bahaging ito ng karagatan. Ikalawa, kapag hinayaan ng ating bansa ang pinagpipilitan ng China na sakop ng kanyang teritoryo ang lugar, magagawa na nitong mahadlangan ang karapatan ng mga ibang bansa sa freedom of navigation. Ikatlo, sinusuportahan ng US Embassy ang paninindihan ng bansa na inihayag AFP. Hindi lang ang Amerika ang magiging kasama ng Pilipinas sa pakikipaglaban niya para sa kanyang teritoryo, kundi ang mga ibang bansag ginagamit ang karagatan sa kanilang kalakalan. Ikaapat, suportado ng mamamayang Pilipino ang paninindigan ng kanilang sundalo. Si Pangulong Duterte lamang ang kaibigan ng China at may utang na loob dito sa kanyang donasyong Sinovac.