ni Ric Valmonte
MAY umiikot na resolusyon sa mga kasapi ng PDP-LABAN, ang partidong pulitika na ginamit ni Pangulong Duterte nang siya ay kumandidato para sa panguluhan, na naghihikayat sa kanya na tumakbo na naman para sa pagkapangalawang pangulo sa darating na halalan. Ikinagalit ito ni Sen. Manny Pacquiao at kinastigo niya si Energy Secretary Alfonso Cusi na namumulitika sa panahon na may higit pang mga bagay na dapat asikasuhin. “Hindi ito pinagkaisahan. Hindi ito awtarisado. Huwag mong lasunin ang pagiisip ng mga miyembro ng ating partido,” wika ng Senador. Ipinaliwanag ni Cusi, PDP-LABAN vice-chair, na noong Marso 8, sa pulong sa Maynila, nilikha ang resolusyon nang tinalakay ng mga dumalo kung sino ang magiging standard bearer ng partido sa darating na halalan. Bunga ito, aniya, ng “consultative and participatory discussion.” Bakit hindi ito nalaman ni Sen. Pacquiao gayong siya ang acting president ng partido? Ayon naman kay Sen. Aquilino Pimentel III, PDP-LABAN executive chair, umaayon siya na wala sa panahon para talakayin ang magiging kandidato para sa pangulo at pangalawang pangulo sa halalang 2022 gayong ipinaalam pala sa kanya ang nasabing resolusyon.
Idinadahilan ni Pacquiao na wala pa sa panahon ang pinaiikot ni Energy Sec. Cusi na resolusyon upang lagdaan pa ng mga kasapi ng kanilang partido. Pero, siya mismo ay gumagalaw na sa kanyang hangaring maging pangulo ng bansa. Marahil nagalit siya dahil sa pulong na dinaluhan nila ni Sen. Bong Go, mistulang iniendorso ng Pangulo si Sen. Go sa pagkapangulo. “Sasabihin ko sa inyo ang totoo,” wika ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Dumaguete port nitong nakaraang Huwebes. “Nais niyang ipasabi sa inyo na gusto niyang maging presidente.” Ang tinutukoy ng Pangulo ay si Sen. Bong Go. Kaya, nagalit si Pacquiao dahil ang gumagalaw para mangalap ng lagda sa resolusyon na si Sec. Cusi ay kaalyado ni Go.
Marahil natatauhan si Sen. Pacquiao. Nalalaman na niya ngayon na malaking pagkakaiba ang political arena na pinasok niya sa ring ng boksing na nakagawian na niyang pasukin. Sa boksing, isa lang ang kanyang kalaban na kanyang pinaghahandaan para siya manalo at may patakaran dito. Sa pulitika, napakarami, batas ng gubat ang namamayani rito. Iisa lang ang iniingatan makasakit sa kanya sa boksing. Sa pulitika, marami at kung saan-saan nanggagaling ang “suntok”. Ang napakahirap sanggahin, sa pulitika, ay ang nanggagaling mismo sa kanyang kampo, tulad ng ginawa na ng kanyang mga kapartido na gumawa ng resolusyon na hindi niya nalalaman at sa panahon na sa akala niya ay hindi magaganap. Kaya, sa boksing, harapan ang labanan, sa pulitika hudasan. Kung hindi ka manghuhudas, ikaw ang mahuhudas na siyang nangyari ngayon kay Pacquiao.
Nang gawin si Pacquiao na acting chairman ng PDP-LABAN, gayang marami sa partido ang higit ng kuwalipikadong mamuno nito, dapat siya ay naalerto. Hindi ito ang behikulo na magsusulong sa kanyang pangarap, bagkus ito ang magdadala sa kanya sa bangin. Baka maubos ang pinaghirapan mo, Manny.