ni Bert de Guzman
HINDI na dapat pang ibalik sa Modified Enchanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila at kalapit na mga probinsiya sa kabila ng pagsipa at pagdami ng kaso ng COVID-19.
Sinabi ng Malacañang na kahit dumami ang mga pamilya na tinamaan ng virus, hindi napapanahon ang paglalapat ng mahigpit na MECQ sa National Capital Region (NCR) at iba pang mga lugar. Ang Metro Manila ay nasa General Community Quarantine (GCQ) ngayon at balak na sanang ilagay sa Modified General Community Quarantine (MGCQ), pero bigla ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19 nitong nakaraang ilang araw.
Ayon kay presidential spokesman Harry Roque, walang dahilan upang isarang muli ang ekonomiya sapagkat lalong darami ang mga magugutom.
Samantala, sinabi ng World Health Organization (WHO) (nitong Marso 10) na ang Pilipinas ay nakapagrekord ng 9,745 bagong kaso sa nakalipas na 72 oras, pinakamaraming bilang ng COVID-19 cases sa nakaraang tatlong araw sa hanay ng mga bansa sa Western Pacific.
Ang Pilipinas, ayon sa WHO, ang nakapagtala ng pinakamalaking bilang ng COVID-19 cases at mga namatay na sinundan ng Japan. “Natuto tayo ng leksiyon noong nakaraang taon at na-contain natin ang virus. Ngayon ay ginagawa uli natin ang katulad na strategy sa pamamagitan ng localized lockdown at pag-oobserba sa minimum health standards,” pahayag ni DOH undersec. Leopoldo Vega.
Nagbabala naman si Dr. John Wong, miyembro ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), na magkakaroon ng nine-fold growth ng COVID cases sa pagtatapos ng Marso kapag ang UK variant ang naging dominant strain sa bansa.
Sa ganitong mga pangyayari, dapat na pag-ibayuhin ng ating mga kababayan ang pag-iingat upang makaiwas sa mapanganib na virus na mahigit na sa 600,000 ang tinamaan at mahigit na sa 12,000 Pinoy ang namatay. Uulitin natin, napakasimple at napakadali lang na sundin ang mga health protocol na dapat nating gawin upang hindi mahawa at maiwasan ang tampalasang virus na kayrami nang pininsala, pinatay sa buong mundo.
Ito ay ang laging paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask/ shield, tamang agwat, pag-iwas sa maraming tao at malalaking pagtitipon. Mga kababayan, mahirap bang sundin ang mga ito?