ni Ric Valmonte
“Walang ibang paraan para mailarawan ito: Ito ay massacre. Nananawagan kami ng malaya at walang kinikilingang imbestigasyon para matiyak na ang mga gumawa nito ay makalasap ng katarungan,” wika ni Vice-President Leni Robredo sa isang pahayag, Ang tinutukoy niya ay ang sabay-sabay na pagsalakay ng mga pulis at sundalo sa Batangas, Cavite, Laguna at Rizal na nabunga ng pagpaslang sa 9 na aktibista. Binatikos ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang Bise-Presidente sa pahayag niyang ito. Sabi niya: “Kung personal niyang nasaksihan ang nangyari, maglabas siya ng ebidensiya. Sa kanyang pananalita, para bang nakita ng kanyang dalawang mata ang naganap. Kung wala siyang maipakitang ebidensiya, pwede siyang mademanda.” Nanakot pa si Roque. Paano mo nga namang hindi matatawag na massacre ang nangyari, eh hindi lang isa o dalawa ang biktima. Siyam sila at sabay-sabay na napaslang sa kanilang tinitirhan maguumaga na. Dahil ba sa katwiran ng mga nakapatay na ang mga biktima ay nanlaban nang hahainan sana sila ng search warrant? Gasgas na gasgas na itong dahilang “nanlaban.” Sa simula pa lang ng panunungkulan ni Pangulong Duterte, nakabibingi nang marinig ang ganitong katwiran sa maraming insidente na pagpatay ng mga pulis sa mga sangkot sa droga. Nang pairalin ng Pangulo ang kanyang war on drugs, massacre rin ang nangyari at ang palusot ng mga tumupad ay “nanlaban” ang mga nasawi.
Kapunapuna ang reaksyon ng administrasyon kapag kinakapos na ito ng katwiran. Ebidensiya. Hinahanapan ng ebidensiya ang taong nagsasabi ng pangyayari na nakakasakit sa kanya. Ganito ang reaksyon ni Pangulong Duterte noon sa hinabol ng PDEA na apat na magnetic lifter na nakalusot sa Bureau of Customs. Matapos masabat ang isa sa mga ito sa loob pa lang ng BoC, napagalaman ng PDEA na may kasama pa itong apat, kaya lang nailabas na. Nang habulin ng PDEA ang apat na magnetic lifter, natunton nila ang mga ito sa isang bodega sa GMA, Cavite, pero wala nang laman. Pinagpilitan ni dating PDEA Director Aaron Aquino na, tulad ng unang nasabat nila, naglaman ito ng droga dahil sa naging reaksyon ng mga sniffing dog. Nagalit si Pangulong Duterte at sinabing kung walang ebedensiya na droga ang laman ng apat na magnetic lifter, eh wala. Nagbakasyon tuloy si Director Aquino. Ganoon pa man pinandigan niya na droga ang laman ng apat na magnetic lifter nang magimbestiga ang Senado. Bilyong piso ang sinabi niyang halaga ng droga.A
Noon pa lang, malalaman mo nang walang kahihinatnan ang programa ng Pangulo na sugpuin ang ilegal na droga kahit marami na ang napatay sa pagpapairal nito. Baka ganito rin ang kahihinatnan ng sinasabi ni VP Robredo na massacre ang nangyari sa Calabarzon dahil ang mga biktima ay “nanlaban.” Kasi, walang ebidensiya.