Ni Edwin G. Rollon
MATAGAL nang ipinaglalaban maging sa mundo ng sports ang pagkakaroon ng pantay na pagtingin – maging sa pagbibigay ng money prize – sa kababaihan.
Ngunit, sa kabila nang mahabang panahong pakikibaka, halos kapirangkot lamang ang nakikitang pagbabago. At hindi ito lingid sa kamalayan ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Celia Kiram – tanging babae sa five-man Board ng government sports agency.
“We’re celebrating the International Women’s Day this month kaya napakainam na pag-usapan ang katayuan at ang kontribusyon ng kababaihan maging sa sports,” pahayag ni Kiram nitong Huwebes sa pagbisita sa Usapang Sports ng Tabloid Organization in Philippines Sports ( TOPS).
“Kami sa PSC ay talagang sumusuporta sa hangarin na mapataas ang level ng competitiveness ng ating mga babeng atleta. Isinusulong namin sa PSC ang Women’s Sports project kung saan nagsasagawa kami ng seminars, conferences and tournaments para sa mga kababaihan, kahit sa mga nanay to empower them,” sambit ni Kiram.
“Maramin tayong hindi control sa sports, but as much as possible kumikilos kami sa PSC para mabigyan ng proteksyon ang ating mga babeng atleta at maitaas ang kanilang katayuan sa sports,” aniya sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng PSC, PAGCOR at Games and Amusements Board (GAB).
Isa sa napansin ni Kiram ay ang kakulangan ng babaeng coach sa National Team.
“Sa 270 coach from 50 nationals sports association na binibigyan ng monthly allowances ng PSC, 32 lang ang babae, maliit na porsiyento and that’s a fact,” ayon kay Kiram.
Bunsod nito, sinabi ni Kiram na inirekomenda niya sa PSC Board na magpalabas ng ‘policy’ para sa mga NSA na required silang maglagay ng isang babaeng coach.
“Dapat bawat NSA may babaeng coach. Importante ito, lalo na sa mga biyahe at partisipasyon ng mga babae nating players, dapat ang kasama nila dyan babaeng coach.
“I’ll already talked to other board members, and I will formalized it in report and request to create a policy for this,” sambit ni Kiram.
Kung magkakaroon ng pagkakataon, plano rin ni Kiram na mairekomenda sa mga NSA ang pagsusulong ng hiwalay na tournaments para sa mga miyembo ng LGBT communities bilang paghahanda na rin sa sandaling maging pormal ang pagtugon dito ng International Olympics Committee (IOC).
“Right now, hindi pa naman natin nararanasan ang nangyayari ngayon sa ibang bansa kung saan pinapayagan maglaro sa women’s tournament yung mga dating lalaki na naging babae. Although, kami sa Women’s Sports naranasan namin na magreklamo ang mga babae dahil may nahalong LGBT sa ilan naming palaro. May katwiran naman sila, kaya the tingin ko napapanahon na magbuo na lang ng dibisyon para sa kanila,” ayon kay Kiram.