ni Ric Valmonte
BINALIGTAD ng Court of Appeals ang desisyon ng Regional Trial Court ng Makati Branch 150 na nagnanais dinggin muli ang kasong rebelyon laban kay dating Senador Antonio Trillanes. Kasi, sa kanyang inisyung Proclamation No. 572, binalewala ni Pangulong Duterte ang amnestiyang iginawad sa kanya at mga miyembro ng Magdalo kaugnay sa 2003 Oakwood mutiny nang siya opisyal pa ng Navy at 2007 Manila Peninsula siege nang siya ay senador na. Ayon sa proklamasyon, walang bisa ang ibinigay na amnestiya sa dating senador dahil hindi niya inamin ang kanyang pagkakasala na dapat niyang ihayag sa application for amnesty. Eh ang application na ito na nasa pag-iingat ng militar ay nawala. Nang baligtarin ng Court of Appeals ang desisyon ni Regional Trial Court Judge Elmo Almeda na buksan muli ang kasong rebelyon laban sa dating senador, sinabi na inabuso ng hukom ang kanyang kalayaan sa pagpapasiya. Ibinatay lamang niya ang pagbukas ng kaso at pag-isyu ng warrant of arrest laban sa dating senador sa mabilisang pagdinig at hindi tumanggap ng testimonial evidence. Eh ang binuksan niyang kaso ay criminal, ayon sa Court of Appeals.
Muli na namang inihayag ng batas ng kalikasan ang kanyang pangingibabaw. Ang gawaing walang layuning maganda, kahit paano ay mahahadlangan sa kanyang patutunguhan. Anong layuning maganda ang pagbabawi ng amnestiya na iginawad sa dating senador? Eh sa ginawang ito ni Pangulong Duterte kailangan pa niyang sirain o balewalain ang naging opisyal na aksyon ng kanyang pinalitang Pangulo. Walang sangkot na public interest dito kundi ang personal na interes ni Pangulong Duterte. Ginamit niya ang kanyang kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya ng taumbayan para lang sa ikasasaya ng kanyang sarili. Nais niyang makitang nagdurusa ang kanyang kalaban na wala namang kaugnayan ito sa ikabubuti ng mamamayan. Katunayan, ito pa ang dahilan ng pagkahati-hati ng sambayanan sa halip na magkaisa upang magaan ang paggogobyerno.
Ano ba ang nagawa ni Trillanes na minasama ng Pangulo upang gawan niya ito ng paraan para magantihan? Nang malapit na ang halalan, ibinunyag niya na may tagong yaman ang Pangulo na nagkakahalaga ng 2 bilyong piso. Ipinagkait nito ang hinihingi sa kanya ng dating senador na waiver upang mahalukay niya ito. Alam ng dating senador ang pinagdepositahan niya ng napakalaking salapi. Magbibitiw, aniya, siya sa pagkasenador kung hindi totoo ang kanyang bintang. Hanggang ngayon bukas pa rin itong isyu dahil ayaw magbigay ang Pangulo ng waiver na siyang kailangan sa ilalim ng Bank Secrecy Law para magkaroon ng access si Trillanes sa mistulang mine deposit ng Pangulo. Pero kung paano nakialam ang katarungan sa kaso ni Trillanes, hindi maglalaon ganito rin ito makikialam sa tagong yaman ng Pangulo.